U_Spy: Magkakasingilan sa 2019!

Written by Rey Marfil

Simula sa susunod na taon [2018] hanggang sa 2020, bukod sa malalaking pelikula gaya ng “Avengers: Infinity War,” aabangan ng madlang pipol ang magiging epekto ng ipinasang panukalang batas ng Kongreso na isinulong ng administrasyon na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN bill.

Sa ilalim kasi ng panukala, binabaan ang personal income taxes o buwis na pinabayaran ni Juan at Juana dela Cruz mula sa kanilang sahod. Ang mga sumahod ng nasa P22,000.00 pababa bawat buwan o kumikita ng ₱250,000 bawat taon eh hindi na matatapyasan ng buwis.

Binabaan din ang bayad sa income tax ng mga kumikita ng P2 milyon pababa.

But wait there’s more…libre pa rin sa buwis ang 13th month pay at itinaas din sa ₱90,000 ang tax free na bonus.

Pero ang good news na ito na lalaki ang maiuuwing suweldo ng mga kababayan natin eh masusubukan naman kung sasapat sa posibleng pagtaas ng ilang bilihin at serbisyo dahil sa dagdag na buwis na ipinataw naman sa ilang produkto sa ilalim din ng TRAIN.

Kabilang na rito ang dagdag buwis sa mga produktong petrolyo tulad ng liquefied petroleum gas (LPG) na ginagamit ng mga misis sa pagluluto; diesel na ginagamit sa mga pampublikong sasakyan; at gasoline na ginagamit ng mga motoristang may kakayahang bumili ng tsekot.

Itataas ng P3 ang buwis sa LPG na hinati sa tatlong bagsak na mula 2018 hanggang 2020, o tig-P1 sa bawat taon. Tatlong bagsakan din ang pataw sa diesel at gas na magsisimula ng ₱2.50 sa 2018; magiging ₱4.50 sa 2019 at sa 2020 eh ₱6 na.

Ang tanong ng ating kurimaw, magkano kaya ang epekto nito sa presyo ng mga produktong petrolyo, at kung magiging dahilan ito ng taas-singil sa pasahe? Aba’y baka raw sa dagdag na buwis din lang mapunta ang natipid nila sa income tax.

But wait there’s mo pa rin… itinaas din ang buwis o excise tax sa coal na ginagamit naman sa mga planta para magsuplay ng kuryente. Mula sa dating ₱10 per metric ton eh ginawa itong ₱150 per metric ton na ipatutupad din ng tatlong bagsakan sa loob ng tatlong taon.

Ang tanong uli ng ating kurimaw, gamitin kaya itong katwiran ng power industry para magtaas ng singil sa kuryente?

Ang ilang paboritong inumin na matatamis na caloric at non-caloric sweeteners eh bubuwisan ng ₱6 bawat litro, at ₱12 bawat litro sa mga ginamitan ng high fructose corn syrup.

May taas na buwis din sa mga sasakyan na P1 milyon pataas ang halaga; pati na sa mga tobacco product o sigarilyo; at maging sa mga nagmimina.

Inaasahan na kikita ang gobyerno sa bagong singilan ng buwis na ito na aabot sa ₱134 bilyon na sinasabing gagamitin sa “build, build, build” projects, na inaasahan naman na lilikha ng libu-libong trabaho at mga bagong lansangan, tulay at iba pa.

Pero kung higit ba sa ginhawa ang benepisyo nito kaysa sa dusa, aba’y abangan natin mga tsong ang susunod na kabanata simula sa 2018. Anuman ang samut-saring usaping pinagdebatehan sa buwis, isa lang malinaw— magkakasingilan sa 2019 election at asahang malaking isyu laban sa mga promotor nito.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)