U_Spy: Kilalanin si ‘Baha-Man’

Written by Rey Marfil

Kung may Aquaman ang Justice League na siga ng karagatan, aba’y may Pinoy superhero na puwedeng kunin ang “Avengers” sa katauhan ng OFW sa Jeddah, Saudi Arabia-- si “Baha-Man” o Saripada Dawood Balindong, at kung minsan ay naisusulat na Daoud Balendon.

Anuman ang tunay na pagkakasulat ng pangalan niya, ang sigurado isa siyang Pinoy na itinuturing bayani sa Jeddah, at posibleng kumalat na rin sa iba pang bahagi ng Gitnang Silingan ang ginawa niyang pagsagip sa isang Arabo na may kapansanan na nakulong sa kaniyang sasakyan sa gitna ng baha.

Kung tutuusin, hindi naman sobrang taas o lalim ng baha kung saan nasagip ang Arabo dahil lampas baywang o hanggang dibdib pa lang ang bahagi ng tubig na nakita sa viral video sa ginawa niyang pagsagip. Ang kurimaw nga natin, natawa pa raw nang mapanood ang video dahil nga naman kung ikukumpara dito sa Pilipinas ang baha na lampas tao at kung minsan ay lampas bubong pa, eh talaga nga namang “mani” lang ang baha na napanood niya sa video.

Pero ang delikado pala sa baha doon sa Jeddah eh posible kang makuryente dahil nasa ilalim daw ng lupa ang mga kable. Kaya naman atubili ang ilang rescue personnel na lumusong sa baha at kunin ang na-trap na Arabo sa kotse. Kaya ang ginawa nila, hinagisan nila ng life vest ang mama pero umabot lang ang bato sa likod ng sasakyan.

Ang pobreng Arabo, hindi maabot ang life vest at nakabitin lang sa bintana ng kaniyang sasakyan dahil may kapansanan pala na maliit o maigsi ang isang binti. Habang hinihintay kung makukuha ng Arabo ang vest, dahan-dahan na dumadausdos ang sasakyan at hindi natin alam kung mapupunta ba ang kotse sa mas malalim na baha o tataas pa ang tubig at baka malulunod ang lalaki.

At habang pinapanood lang mga tao sa paligid ang susunod na mangyayari sa Arabo, ang kababayan nating superhero na sinasabing tubong Mindanao, aba’y parang si Aquaman na nag-dive sa baha, kinuha ang vest na sumabit sa likod ng sasakyan at pinuntahan ang Arabo sa bintana. Ang sumunod na eksena, para siyang si Superman na binitbit ang Arabo at dinala sa ligtas na lugar.

Hindi raw alam ni “Baha-Man” na may kumukuha ng video sa naturang insidente kaya nagulat siya nang mag-viral na ang ginawa niyang kabayanihan at naging instant celebrity siya. Sunod-sunod din ang mga papuri na tinanggap niya mula sa iba’t ibang grupo at tanggapan sa KSA. Ang tanong ng ating kurimaw, nagbigyan din kaya ng pansin ng ahensiya natin ang ginawa niya lalo na ngayong buwan pa naman ng mga OFW?

Marahil may magsasabing maliit na bagay lang kung titingnan ang ginawa ni Balindong dahil lumusong lang naman siya sa baha; pero kung titingnan naman ang mas “malaking larawan” ika nga sa nangyari, patunay iyon na ang simpleng pagtulong sa kapwa—kahit iba ang lahi -- ay puwedeng masuklian ng pasasalamat at papuri.

Sa panahon ngayon na nasa dalawang milyon yata ang mga kababayan natin na nasa Gitnang Silangan para nakikipagsapalaran at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas, aba’y malaking bagay ang ginawa ni “Baha-Man” dahil magpapataas iyon ng pagtingin nila sa mga kababayan natin kahit pa marami sa kanila ay nagsisilbing mga household service worker.

Kung mayroon mang Arabo na hindi nakapanood o nakaalam ng magandang ginawa ni Balindong sa kanilang kababayan, at may gagawin o sasabihin siyang hindi maganda sa isang OFW, tiyak na may aasahan tayong Arabo na nakaalam at nakapanood ng ginawa ni Balindong na magtatanggol naman sa ating kababayan.

Mabuhay ka “Baha Man’ Balindong! At mabuhay ang lahat ng ating mga bayaning OFW!

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)