U_Spy: Alamin kung ilang bansa ang biktima sa anti-dengue

Written by Rey Marfil

Malamang na maraming magulang ngayon mga ang kakaba-kabang sasalubungin ang Pasko at Bagong Taon dahil sa bad news na dala ng dambuhalang French pharmaceutical giant na Sanofi Pasteur tungkol sa gamot na ginamit ng pamahalaan natin na panlaban sa dengue.

Sa hangarin ng gobyerno na maprotektahan ang mga kababayan natin laban sa nakamamatay na dengue virus, ginamit sa anti-dengue vaccination program noong nakaraang taon ang gamot na “Dengvaxia. Ginawa ito dahil sinertipikahan naman ng mga kinauukulang opisyal sa bansa na ligtas itong gamitin matapos mahabang panahon ng pag-aaral.

Hindi naman natin masisisi ang gobyerno na maghanap ng paraan upang mabawasan ang nagiging biktima ng dengue. Kung dati kasi eh tuwing tag-ulan lang ang bantayan ng pagsalakay ng mga batik-batik na lamok, ngayon ay wala na silang bakasyon at buong taon na kung umatake at magkalat ng apat na uri ng strain ng dengue virus.

Sa datos ng Department of Health (DOH) noong 2016, umabot sa 2011,108 ang kaso ng dengue, at sa naturang bilang ay 1,019 ang namatay. Noong 2015, pumatak sa 213,930 ang kaso ng dengue at 647 ang nasawi. Maliban sa mataas na bilang ng mga nagkaka-dengue at nasasawi, malaking pondo rin ng gobyerno ang napupunta para tulungan ang mga nagiging biktima nito.

Maliban sa Pilipinas, matapos na maaprubahan ng mga pandaigdigang ahensiya ang Dengvaxia, ginamit din ito ng bansang Brazil, Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Mexico, Paraguay, Peru, Indonesia, Thailand at Singapore, sumama na rin ang Pilipinas.

Ang kaso, halos isa’t kalahating taon makaraang isagawa ang pagbabakuna na umabot sa may 700,000 bata, bigla ba namang maglalabas ng abiso ang Sanofi at sasabihing mayroon palang masamang epekto ang gamot sa mga hindi pa nagkaka-dengue. Pero sa mga nagka-dengue na at naturukan ng Dengvaxia, wala raw dapat na alalahanin.

Tanong ng ating kurimaw, ilan kaya sa 700,000 na nabakunahan ang hindi pa nagkaka-dengue? At ano ang sinasabing masamang epekto ng gamot na “severe diseases” na maaaring mangyari pagkaraan ng 30 buwan mula sa pagbakuna? Hindi naman siguro ang pagiging bambira ang side effect ng Dengvaxia.

Sa ngayon, hindi pa raw alam at aalamin pa lang ng DOH kung ano ang sinasabi ng Sanofi na “severe diseases” na side effect ng gamot. Pero kung babalikan natin mga tsong ang mga nagdaang ulat tungkol sa pangamba sa paggamit ng Dengvaxia, may nabanggit na side effect ng gamot na tinatawag na phenomenon na “Antibody-Dependent Enhancement.”

Pinapangambahan na sa ADE, pahihinain ang pangontra ng katawan sa virus kaya mas mapanganib at deadly kapag tumama sa pasyente ang matinding uri ng strain ng virus. Kumbaga, matutugunan ng gamot ang una at mahinang uri ng strain ng dengue virus pero pagdating ng bagong strain eh mas matindi na at hindi kayang labanan ng katawan.

Gayunman mga tsong, hintayin natin ang opisyal na resulta ng gagawing pag-aaral at pakikipagpulong ng DOH sa mga kinauukulan mga ahensiya gaya ng World Health Organization at maging sa Sonafi sa mga darating na araw. Kasabay nito, ipagdasal natin na hindi magkatotoo at maging maling hinala lang ang lahat ng masamang pangamba sa epekto ng Dengvaxia.

Sabagay, sa ngayon eh parang tayo pa lang naman yata sa Pilipinas ang aligaga sa masamang ibinalita ng Sonafil. Maliban na lang kung ang ibang bansa na gumamit ng Dengvaxia eh alam nila na hindi dapat ibakuna ang gamot sa mga hindi pa nagkaka-dengue.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)