U_Spy: Abangan si ‘Harry blocks’

Written by Rey Marfil

Parang timing ang nangyaring pag-anunsyo ni Pangulong Digong Duterte kay outgoing Kabayan Partylist Representative Harry Roque na kaniyang bagong magiging tagapagsalita.

Ginawa kasi ng Punong Ehekutibo ang pag-anunsyo bago mag-Undas, at kaagad na “nanakot” na parang pang-Halloween ang kaniyang magiging bagong tagapagtanggol at tagapagpaliwanag.

Matapos kasing maibalita na inanunsyo na ang kaniyang pagiging presidential spokesman kapalit ni Ernesto Abella, nagbabala si Roque sa mga kritiko ng administrasyon na kapag nambato ng batikos ng walang basehan, gaganti siya at hindi lang bato ang ipupukol niya kung hindi hollow blocks pa.

Ang mga tagasuporta ng administrasyon, tiyak na natuwa sa tirada ni Roque; ang mga hindi maka-administrasyon, tiyak na hindi; at ang mga nasa “gitna” posibleng hati.

Ang mga nasa oposisyon, mukhang hindi natakot sa sinabi ni Roque kaya kailangan siguro niyang simulan na ang pag-iimbak ng hollow blocks.

Aba’y may nagsasabing ang ambisyon daw ni Roque na maging senador sa 2019 elections ang dahilan kaya kumakampi siya sa administrasyon.

Sabi ng pangunahing kritiko ng gobyerno na si Sen Antonio Trillanes, parang sinapian daw si Roque ng masamang espiritu nang mapasama sa administrasyon. May kongresista rin na maganda ang ginawa ni Roque na maging tagapagsalita ng pangulo dahil natitigil na ang pagkukunwari nito na maka-minorya.

Noong kasagsagan ng pagdinig ng Kamara de Representantes tungkol sa umano’y koneksyon ni Sen. Leila de Lima sa drug trade sa New Bilibid Prison, naging mainit ang mga tanong ni Roque, hindi lang sa kalakaran ng droga kung hindi pati sa isyu ng love at sex life ng senadora.

Kaya naman naging mainit din sa kaniya ang mga kasamahan niya sa party group na Kabayan at pinatatalsik siya sa grupo at bilang kinatawan nila sa Kamara.

Pero kung talino at galing ang pag-uusapan para maging tagapagsalita ng pangulo, aba’y pasok sa banga ika nga si Roque. Isa siyang abogado, human rights lawyer at international law expert.

Sa usaping ng human rights at international policy, malaki ang siguro ang maitutulong niya sa pangulo kung makapagbibigay siya ng payo.
Kaya lang, hindi maiwasan ng ating kurimaw na magtanong kung bakit pinalitan si Abella?

Bagay at epektibo si Abella na tagapagsalita dahil nababalanse ng kalmado niyang imahe ang palabang mga pahayag ng pangulo. At sa ipinakikitang panimula ni Roque na palaban din, hindi kaya maging problema ito?

Ngunit anuman ang sabihin ng iba tungkol kay Roque, karapatan ng pangulo na pumili ng taong nais niyang ilagay sa kaniyang Gabinete, at magsisilbing tagapagsalita niya.

Hintayin din natin at bigyan ng pagkakataon si Roque na ipakita ang kaniyang magagawa para tulungan ang pangulo na ipaliwanag ang mga ihahayag nito sa publiko.

Sa ngayon, tagumpay ang palasyo— lahat ng isyung ipinupukol kay Duterte, itoy naglaho at nabaling ang bakbakan sa pagkakatalaga ni Roque. Ang tanong lamang, hanggang kailan o magtutuloy-tuloy ang inaabangang “saga” lalo pat hitik sa kontrobersiya ang bawat salitang namumutawi sa bunganga ng bagong spokesman.

Kung magiging epektibong presidential spokesman si Roque higit pa kay Abella, aba’y parang babangga ngayon sa pader ang mga kritiko ng administrasyon. Ngunit kung sumablay naman, aba’y puwedeng sabihin na parang kumuha ng hollow block ang pangulo na ipinukpok niya sa kaniyang ulo.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)