U_Spy: Bakit nga ba hari sa kalsada ang jeep?

Written by Rey Marfil

Minsan pa, napatunayan na ang jeepney ang hari ng kalsada. Bakit? Aba'y kanselado ang pasok sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno kahit isang grupo lang ng mga tsuper at operator ng pampasaherong jeepney ang nagtigil-pasada.

Papaano pa kaya kung sumali ang iba pang transport group na tutol sa isinusulong ng pamahalaan na modernisasyon (hindi raw phase out) ng mga lumang jeepney?

Ang napuna lang ng ating kurimaw, kung noon ay maluwag ang mga kalsada kapag nagwewelga ang mga jeepney, ngayon ay masikip pa rin daw ang daloy ng trapiko. Kasi naman mga tsong, bukod sa jeepney ay marami na ring ibang uri ng pampasaherong sasakyan sa kalye gaya ng UV Express at mga transport network companies (TNCs) gaya ng Uber at Grab.

Bagaman nasisimpatiya tayo mga tsong sa mga tsuper at operator na natatakot sa planong modernisasyon ng mga jeep, pero sa totoo lang, panahon na talaga para magbagong-bihis ang mga "hari ng kalsada."

Maliban kasi sa usapin ng kaligtasan dahil sa mga peligrosong kakarag-karag na jeepney, marami sa kanila ang laspag na ang makina at nagdudulot ng matinding polusyon sa kalikasan. Hindi rin lang naman ang mga pasahero nila ang nalalagay sa peligro kung hindi maging silang mga driver.

Ilang beses na ba tayong nakabalita na jeepney na nawalan ng preno o hindi na mapihit ang manibela at bumangga na lang sa kung saan-saan o nahulog sa hindi nila dapat kahulugan? Ang resulta, nakakapatay sila ng mga naglalakad, may namamatay na pasahero, at siyempre, pati ang driver na "sweet lover."

Iyon nga lang , hindi rin naman natin masisisi ang ilang tsuper at operator na matakot na parang nakakita ng multo sa kuwenta ng gagastusin nila sa planong modernisasyon. Batay kasi sa lumalabas na mga ulat, hanggang P80,000 lang ang subsidiya na maaaring pasanin ng gobyerno at ang natitirang balanse sa bagong unit ng pinapoging jeepney ay huhulugan nila ng pitong taon.

Ang tanong ng ating kurimaw, magkano ang halaga ng pinapoging jeepney? Hindi pa matiyak din ang halaga ng modernong jeepney dahil nakabase ito sa disenyo. Mga mga nagsasabi na posibleng nagkakahalaga ang mga modernong jeepney ng P800,000 hanggang P1.2 milyon.

Ang modernong jeepney ay magiging environment friendly na dahil Euro 4 daw ang makina o kaya naman ay de-kuryente. Hindi katulad ngayon na pawang diesel.

Mas malaki at mataas na rin ang modernong jeepney kaya mas marami ang maisasakay kaya madadagdagan ang kita ng mga driver. Pero ang tanong uli, hindi naman kaya tumaas ang pasahe sa mga jeep kapag moderno na ang sasakyan dahil posibleng magmahal din ang gastos nila sa gasolina o kuryente? Aba'y tandaan natin na hindi naman luluwag ang kalsada at hindi rin mawawala ang trapik kapag naging bago ang mga jeepney.

Bukod dito, ipinapaliwanag din ng ibang operator na may mga jeepney ngayon na maayos pa naman ang katawan dahil alaga kaya maaaring manatili, at makina na lang ang papalitan. Oo nga naman, bakit hindi payagan ang ganito para hindi rin naman sila masyadong magastusan at maibaon sa utang.

Sa nangyayaring banggaan ng pamahalaan at grupong tutol sa planong modernisasyon, walang kahahantungan ang takutan. Mas makabubuting ikonsidera ang lahat ng puwedeng paraan at huwag ipagpilitan ang pagkuha ng mga bagong sasakyan nang hindi pagdudahan na baka may mga taong may lihim lang na agenda.

Bakit hindi muna ipatupad ang progama sa grupong payag sa modernisasyon. Kapag nakita ng iba na maganda ang resulta, baka magwelga uli ang mga tsuper pero sa pagkakataon ito eh sila na magpipilit na palitan na ang kanilang lumang jeep.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)