U_Spy: Magbiro na sa lasing, wag lang sa asong kalye!

Written by Rey Marfil
  • Pinterest

Bukod sa mga lasing at mga buraot na alagad ni 'Taning' na mga isnatcher, holdaper at iba pa na naglipana sa mga kalye, ang mga asong gala ang dapat na katakutan at iwasan sa kalsada.

Bakit ba naman hindi, aba'y hindi biro ang masakmal ng asong gala dahil sa peligro na madale ka ng rabies. Bukod sa nakakatakot ang kinahihinatnan ng mga namatay sa rabies, masakit din sa bulsa ang magpabakuna ng pangontra sa rabies.

Sa 2020, inaasahan ng Department of Health na wala nang mabibiktima ng rabies sa bansa. Sa nakalipas kasing mga taon, nasa 100,000 katao ang ginagamot bawat taon dahil sa kagat ng aso at nasa 200 hanggang 300 ang namamatay sa rabies.

Kaya naman hindi na kataka-taka kung kasama ang Pilipinas sa 10 bansa sa mundo na may pinakamataas na insidente ng rabies. Mula Enero pa lang ng 2017 hanggang kalagitnaan ng Agosto, aba'y nasa 156 na ang nasawi sa Pilipinas dahil sa rabies.

Kumpara sa mga aso na alaga at laging nasa bahay na malinis ang inumin at pagkain, ang mga asong gala, kapus sa pagkain at tubig, at kung mayroon mang makain at mainom, tiyak na marumi. At kung marumi ang pumapasok sa kanilang katawan, natural, mas delikado.

Bakit dapat katakutan ang mamamatay sa rabies, aba'y minsan nang naipalabas sa telebisyon ang video ng mga na-rabies at malapit nang mamamatay.. Nakatali sila sa kama dahil nagwawala na parang nababaliw.

May ipinakita pa ngang pasyente na gustong tumakas dahil sa matinding takot sa tubig at hangin, hanggang sa unti-unting malagutan ng hininga.

Ang mahirap, kung makagat ka ngayon ng aso, hindi mo agad malalaman na na-rabies ka. Ang ilang kaso, inabot ng ilang linggo bago lumitaw ang sintomas ng rabies. At kapag lumabas na ang sintomas, huli na ang lahat at ilang araw lang ay maaaring mamatay ang biktima.

Kaya naman mahalaga na magpaturok na agad ng anti-rabies kapag nakagat ng aso, maliit man o malaki ang sugat na nalikha. Pero ang tanong, paano ang gastos sa pagpapabakuna kung mahirap ang nakagat, at walang aakong may-ari ng aso na nakagat para sumagot sa gastos?

Dito mahalagang magkaroon ng mahusay na tandem ang Department of Health at mga lokal na pamahalaan para magkaroon ng libreng bakuna sa anti-rabies para sa mga nakagat, at hindi lang iyong libreng bakuna para sa aso.

Aba'y ang mga aso lang na nasa bahay ang maaaring mabakunahan ng libre. Papaano ang mga askal na naglipana sa kalye na tropa-tropa kung gumala na akala mo eh naghahanap ng rambol? Kung tutuusin, ang mga ito ang higit na peligroso dahil mas agresibo sila dahil mainit ang ulo na walang makain, walang mainom, mainit ang kalsada at walang bahay.

Kung kaya lang siguro ng mga askal na bumuo ng grupo, baka naghanap na rin ang mga iyan ng pabahay na walang laman at doon na sila titira.

Hindi lang pagpapabakuna sa mga aso at mga nakagat ng aso ang dapat atupagin ng DOH at LGUs.. Kung nais nilang mawala o maibaba ang kaso ng rabies at kagat ng aso sa bansa, dapat magkaroon ng ibayong kampanya para hulihin at alisin sa kalye ang mga sigang askal.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)