U_Spy: Balik ang wang-wang!

Written by Rey Marfil
  • Pinterest

Wala naman sigurong kokontra kung sabihin ng ating kurimaw na isa sa mga legacy na iniwan ng administrasyon ni Noynoy Aquino ay ang desiplina at pagiging pantay-pantay ng mga motorista sa kalye…in short, ang pag-alis ng “wang-wang” mentality..

Iniutos ni PNoy sa kaniyang mga bantay na Presidential Security Group (PSG) na huwag gumamit ng “sirena” o wang-wang, at dapat huminto ang kaniyang convoy sa mga traffic light kapag naka-red ang signal.

Kung tutuusin, bilang pangulo, exempted si PNoy sa mga ganito dahil nga pangulo siya at para na rin sa kaniyang seguridad. Kaya nga maraming nagsabi na “security nightmare” o malaking trabaho para sa PSG ang desisyon na iyon ng dating pangulo. Kapag kasi tumigil sila sa stop light, marami ang posibleng mangyari sa kanilang binabantayan.

Pero kahit delikado sa kaniyang buhay, ginawa iyon ni PNoy dahil nais niyang maging halimbawa at maipakita na ang lahat ay dapat sumunod sa batas-trapiko. Aba’y kung simple nga namang batas trapiko eh hindi susundin, papaano pa kaya ang ibang batas? Kaya kung isa kang motorista na magbi-beat ng red light, mapapaisip ka at mahihiya—kung ang presidente nga eh sumusunod sa batas-trapiko, bakit ikaw hindi?

Bukod sa desiplina sa kalye, naging mahigpit din noon ang mga awtoridad laban sa mga hindi awtorisadong paggamit ng mga “special plate” na inilalabas ng kung ano-anong ahensiya para manindak ng mga traffic enforcer at makalibre sa odd-even [color coding] scheme. Kaya maraming “siga” sa kalye ang nagalit noon kay PNoy dahil binaklas ang kanilang wang-wang, woot-woot at mga blinker.

Pero noon iyon. Ngayon, kapansin-pansin na naman ang pagdami ng mga sasakyan na may mga “blinker” na dapat ay mga pulis at ambulansya at iba pang pang-emergency na sasakyan lang ang mayroon. Ang dami rin ng mga special o gawa-gawang plate, na ang iba pa nga ay nagpapakita na tagasuporta sila ng isang mataas na opisyal. Ilang aksidente na nga ba ang nakunan sa CCTV dahil sa mga sasakyang ‘di na sumusunod sa traffic lights at parang sila ang hari ng kalsada?

Napansin n’yo rin ba sa kalye ang mga motorsiklo na parang mga hagad na may wang-wang, o ang mga convoy na may blinker at may tunog na “woot!-woot” para patabihin ka kahit na naiipit ka sa trapik kasi nais nilang maunang makasingit sa iyo ang kanilang inaalalayang VIP; VIP na hindi mo malaman kung opisyal ng gobyerno o mayaman lang na may pambayad ng escort.

At sa harap ng problema ng usad-suso na trapiko na lalo pang pinalala ng pagkawala ng desiplina ilang motorista dahil wala na rin ang mga mahihigpit na HPG, isang kongresista ang nagmungkahing gawing silang exempted o huwag hulihin kapag lumabag sa batas trapiko.

Ang mga taong tagagawa ng batas na dapat nating sundin, nais na sila eh malibre sa batas kapag sila ang lumabag at meron pang 2 senador naki-angkas sa issue. Aba’y wagas ang request ni Sir. Para ba namang may traffic enforcer na manghuhuli sa kanila kapag nagpakilala silang “congressman o senador ako.” Iyon nga lang makita ng mga enforcer ang special plate No. 8 o No. 7 sa sasakyan nila eh nakalulusot na, magpakilala pa kaya.

Hindi ba sinabi noon na dapat i-surrender na ang mga plakang 8 at iba pang special plate dahil nagagamit ng iba sa kalokohan, eh bakit ang dami pa ring naglipanang plakang 8 na nakakabit kahit sa mga sasakyang mukhang hindi naman pang-congressman?

Nakaraang halalan, pagbabago ang sigaw ng marami, kasama kaya ito sa inaasahan nilang pagbabago? Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)