U_Spy: Bakit kailangang huwag magkampante sa condo?

Written by Rey Marfil

Nakapanlulumo ang nangyaring trahediya sa isang residential condominium sa Pasay City nitong nakaraang Martes ng gabi kung saan lima ang nasawi sa pananaksak ng isang lalaking nag-amok at apat na iba pa ang nasugatan.

Kabilang sa nasawi ang isang walang kalaban-laban na 12-anyos na babaeng estudyante na ilang hakbang na lang ay nasa kanila nang condo unit pero minalas na nakasalubong ang naburyong na salarin.

Nasawi rin sa trahediya ang isang dating kasamahan sa hanapbuhay na si Ginoong Joel Palacio, 70-anyos.

Kung tutuusin maaari naman sigurong naiwasan o kahit papaano ay nabawasan ang tindi ng ginawang pagwawala ng itinuturong salarin na si Alberto Garan, kung naging mabilis lang ang aksyon ng mga security officer ng condo building at mga awtoridad.

Bago kasi naghanap ng mga maidadamay sa kaniyang pagwawala, nakipagtalo raw muna itong si Garan sa kaniyang kinakasama sa ika-14 na palapag ng condo. Dito napatay ni Garan ang kaniyang kinakasama na naging una niyang biktima na inihulog pa niya sa building.

At mula sa ika-14 na palapag, naging paakyat na ang direksyon umano ni Garan kung saan nanaksak pa ng iba biktima na kaniyang nakasalubong at mga pinasok sa ibang condo unit. Kabilang na nga dito ang batang biktima na pauwi na sa kanilang unit mula sa paaralan.

Hindi niya pinatawad ang bata na hinabol pa raw para patayin. Dito ay masasabi nang na wala talaga siya sa katinuan.

Sa huli, napatay ng mga rumesponding pulis si Garan sa ika-22 na palapag.

Sa ginawa ni Garan, hindi maiwasan ng ating kurimaw na maalala ang nangyaring trahedya sa Resort World Manila. Nasaan ang mga dapat pumigil sa nagwawalang salarin? Aba'y mabuti na lang at hindi naisipan ni Garan na manunog.

Kung nakapagsumbong lang sana kaagad sa security o sa mga pulis ang ibang kasama ni Garan sa unit, baka mas madali siyang napigilan at hindi umabot sa lima ang kaniyang napatay at nakasugat ng apat.

Kung may nakamonitor lang sana sa CCTV camera ng condo building at nakita nila ang ginawang krimen ni Garan sa mga nauna nitong biktima, dapat sana'y kumilos na sila para pigilan ang salarin.

Iyan eh kung may betlog at baril sila para harapin ang isang nag-aamok para mailigtas ang buhay ng mga taong nagpapasahod sa kanilang mga tenant.

Hindi rin naman natin lubos na masisisi ang mga pulis kung mabagal ba ang pagresponde nila dahil depende 'yon sa bilis din kung may nakapagsumbong na kaagad sa kanila. Pero sa dami ng naging biktima, sapat na marahil na sabihin na mayroong kulang.

Pero dahil hindi na maibabalik ang buhay ng mga nasawi, dapat magsilbing aral sa mga kinauukulan ang nangyari. Kasama na rito ang mga administrador ng mga condo upang hindi na maulit ang malagim na trahediya sa isang gusali na dikit-dikit ang kuwarto na lubhang peligroso sa taong biglang naburyon.

At mga unit owner, wag maging kampante at laging mag-lock ng pinto at tiyakin matibay ang pinto. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)