U_Spy: Ano ang mga bagong aabangan?

Written by Rey Marfil
  • Pinterest

Tapos na ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte; at sa haba ng kaniyang talumpati na tumagal ng dalawang, aba’y marami rin siyang gustong mangyari na dapat abangan ng mga Pinoy kung magkakaroon ng katuparan.

Siyempre, hindi nawala sa talumpati ang ika nga’y center piece ng kaniyang liderato—ang giyera laban sa illegal drugs. Sabi ng pangulo, tuloy-tuloy ang kampanya laban sa droga kahit pa kaliwa’t kanan ang mga bumatikos sa kanya —sa loob man at labas ng bansa—dahil sa dami na ng mga namamatay.

At kasama sa mga legislative agenda na nais niyang aprubahan ng Kongreso eh ang ibalik ang parusang kamatayan sa mga krimen na may kinalaman sa iligal na droga. At sa dami rin ng mga nasasakote na baka mahatulang guilty ng korte, aba’y tiba-tiba naman ang mga punerarya.

Pero isang taon na mula nang maupo si Duterte at umaabot na sa 3,000 hanggang 5,000 ang namamatay pero patuloy pa rin na nakakadiskubre ng malalaking bulto ng iligal na droga. Hindi kaya panahon na para repasuhin ang taktika laban sa salot na ito? Aba’y baka kailangan nang magsampol ng “malalaking isda” kahit na iyong mga nasa “aquarium” na.

Maliban sa kampanya laban iligal na droga, marami pang magagandang pangako ang pangulo na malamang ay marami ang umaasang maisasagawa. Tulad ng pagpapalaki sa pondong ilalaan sa mga OFW na magigipit at kakailanganin ang tulong ng gobyerno. Aba’y sa laki naman padala nilang remittances na malaking tulong sa ekonomiya, dapat talagang ibigay ang nararapat na tulong sa mga tinaguriang mga bagong bayani.

Dapat ding abangan kung ano ang magiging reaksyon ng mga malalaking kompanya na nagmimina sa bansa matapos na magbanta ang pangulo na “I will tax you to death” kapag hindi nila inayos ang kanilang sektor at patuloy na wawasakin ang kalikasan matapos silang makapagmina.

Binigyan-diin din muli ng pangulo ang kampanya niya kontra sa katiwalian o korupsyon, at nais niyang magsilbi nang tama ang mga empleyado ng gobyerno para sa mga nagpapasahod sa kanila—ang sambayanang Pinoy.

Magkaroon kaya muli ng opisyal na biglang na lang ulit mag-go-goodbye sa puwesto? At bagaman walang partikular na sinabing kung papaano malulunasan ang problema sa trapiko, kasama rin naman ito sa layunin ng administrasyon. Pero sana, pati ang kalbaryo ng mga pasahero sa MRT at LRT, at pati na sa PNR, eh matapos na sa lalong madaling panahon.

At sa press conference niya matapos ang SONA, sinabi rin ng pangulo na hindi siya magdedeklara ng batas militar sa buong bansa kaya hindi siya dapat ikumpara sa dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Sa harap kasi ng banta ng terorismo at maging ng mga oportunista, hindi maaalis ang pangamba ng iba na umabot sa Luzon at Visayas ang martial law sa Mindanao na na-extend ang bisa hanggang katapusan ng taon.

Kaya lang, baka kapag hindi natupad ang mga pangako ng pangulo, eh ang media naman ang sisihin. Abangan na lang nating ang mga magiging kasagutan sa susunod na labingdalawang buwan. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)