U_Spy: Wag makakalimot sa nakaraan

Written by Rey Marfil
  • Pinterest

Sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy. Ito ang naaangkop na talinghaga para sa mga naging biktima ng Martial Law, dahil sa wakas ay mababayaran narin sila para sa napaka-lupit na karanasan na sinapit nila noong panahon ng diktadurya.

Kung tutuusin ay noon pa nga dapat nabayaran ang mga kaawa-awang biktima ng batas militar sapagkat hindi naman basta-basta kompensasyon ang ipinaglalaban dito ng mga taong dumanas ng matinding kalupitan sa kamay ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang ipinaglalaban nila dito ay katarungan at kabayaran sa lahat ng pagmamalabis na naranasan nila sa kamay ng mga alipores at galamay ng dating diktador. At batid kong alam na alam ni dating Sen. Bongbong Marcos ang pinaggagawa ng kanyang ama-- itoy nababasa at itinuturo sa eskwelahan.

Hinding-hindi maikakaila ng batang Marcos ang lahat ng kabulastugang ginawa ng kanyang ama. Pati ang kalupitan at karahasan na sinapit ng mga naging biktima ng batas militar, maliban na lamang kung mayroon siyang sariling mundo.

Ang mahirap kasi sa lahat ay ang magbulag-bulagan o kaya naman ay magbingi-bingihan. Mahirap magbing-bingihan o magbulag-bulagan sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan na marami sa mga naging biktima ng dating diktaduryang Marcos ang sumisigaw ng katarungan.

Sa mahigit 4,000 biktima ng Martial Law at sa loob din ng ilang dekadang paghihintay para sa nasabing kompensasyon, lumalabas na 300 biktima lamang muna ang mabibigyan ng paunang bayad o iyon ngang tinatawag na kompensasyon.

Samantalang milyon-milyon ang inilalabas na kuwarta ng pamilya Marcos para sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos para sa pinagtatalunang Vice-Presidential race noong nakalipas na eleksiyon laban kay Vice-President Leni Robredo.

Paano kaya nasisikmura ng pamilya Marcos na milyon-milyon ang inilalabas nilang pera para sa kanilang pansariling interes gayong libo-libo namang biktima ang sumisigaw ng katarungan para sa kalupitang sinapit ng mga taong napariwara ang buhay noong panahon ng diktadurya.

Ang matindi nito, ang lakas pa ng loob ng mga ito na ipaglaban ang kanilang protesta gayong sariwang-sariwa pa sa isipan ng mga biktima ng batas militar ang karahasang ginawa ng dating Pangulong Marcos, hindi na ba talaga tinatablan ng hiya ang pamilya Marcos? Ang masakit lang, tila nakalimutan ng mga bagong sibol o mas kilalang millennials ang nakaraan.

Ang isa pang tanong dito, ano pa ang halaga ng kompensasyong matatanggap ng pamilya ng mga naging biktima--kung ang mismong mahal nila sa buhay na dumanas ng kalupitan ay magpa-hanggang ngayon ay hindi pa nila alam kung buhay o patay?

Dahil ang karamihan sa mga naging biktima ay basta na lamang nawala at hindi na nakita pa. Kahit ilang libo pa ang matanggap na kabayaran ng pamilya ng mga naging biktima ng Martial Law, hinding-hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)