Isa pang Romblomanon, Usec na rin!

Written by Rey Marfil

Nakakatuwang isipin na sa kahit kanino mang pangasiwaan parating may pinagkakatiwalaang taga-Romblon upang magsilbi sa matataas na posisyon sa pamahalaan.

Nakaraang Miyerkules, sa pulong-balitaan sa Malakanyang, ibinalita ni Science Secretary Fortunato T. de la Peña ang pagkakatalaga ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director na Dr. Renato Solidum bilang bagong undersecretary ng Disaster Risk Reduction and Climate Change Affairs ng Department of Science and Technology (DOST).

Bitbit ni Manong Boy sa bagong katungkulang ito ang deka-dekadang karanasan sa pangangasiwa sa disaster risk reduction, lalung-lalo na sa larangan ng geological hazards gaya ng lindol, daluyong ng karagatan at iba pang peligrong dala ng natural na kalamidad sa bansa.

Lingid sa kaalaman ng marami, matagal na nagsilbing paboritong protege ng namayapang Phivolcs director na si Ginoong Raymundo Punongbayan si Director Solidum dahil sa galing at competensy nito sa larangan ng earth sciences at geology.

Nang namayapa si Dr. Punongbayan noong Abril 2005 matapos magcrash ang sinasakyang helicopter sa Gabaldon, Nueva Ecija, pumaimbabaw sa kamalayan ng bansa si Dr. Solidum bilang "poster boy" ng Phivolcs tuwing magkakalindol at pagputok ng bulkan sa bansa.

Bilang hepe ng Phivolcs, pinangunahan ni Undersecretary Solidum ang mahahalagang proyekto kabilang na ang makabagong sistema ng pagmamaan sa mga aktibong bulkan, ang tsunami warning system, pagpapaunlad sa mekanismong nakatutok sa mga pagyanig ng lupa at maging ang Rapid Earthquake Damage Assessment System.

Ito ang pinakabagong software application na gumuguhit ng mga panibagong mapa upang matukoy ang mga peligrosong lugar bago at pagkatapos mangyari ang lindol.

Mukhang hindi nakalampas sa atensyon ng pangulo ang performance ng tinagurian sa Philippine scientific community bilang "Mr. Fault Finder" dahil sa laki ng ambag nito sa nito sa pag-unlad ng disaster risk reduction and management bilang hepe ng Phivolcs.

Bilib ang mga siyentipiko, maging mga kapwa ko kagawad sa pamamahayag, sa Romblomanong ito. Katunayan, ayaw itong pakawalan ng mga kapwa katrabaho sa Phivolcs.

Respetado at "well-loved" hindi lamang sa pinamumunuang opisina kundi pati sa mas malaking DOST na itinuturing siyang "pride" ng ahensya, ayon pa sa kalihim ng DOST.

Usec. Boy, sir, ipagpatuloy po ninyo ang pagwagayway sa bandila ng Romblon at siyensya sa bago ninyong katungkulang mangalaga sa kaligtasan ng ating mga kababayan. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)