STL Operation sa lalawigan ng Romblon, Itigil!

Written by Ressie S Fos | Romblon News

Ngayong araw ang pagbubukas ng STL operation ng Pines Estate Gaming Corporation sa buong lalawigan ng Romblon partikular sa bayan ng Odiongan sa Tablas island. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan, religious groups at lokal na pamahalaan (LGU) ng nasabing bayan

Sa ginanap na dialogue sa pagitan ng representante ng STL operator/PCSO at mga opposition groups, mga opisyal ng Odiongan LGU, Governor Lolong Firmalo, DILG representative, at Provincial Legal Counsel, nitong 05 Disyembre 2017, mariing sinabi ni Mr. Bam Urubio, Chief of Staff ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz, na hindi na kailangan ang Business Permit mula sa LGU para sa nasabing STL operation, dahil pinapayagan umano ito ng batas at tanging ang PCSO o ang Opisina ng Pangulong Duterte ang tanging makakapagbigay ng order upang ipatigil ito.

Tama nga naman, maging ang DOJ ay may legal opinion tungkol sa STL operations na nagsasabing wala nga sa awtoridad ng LGU ang pagpapatigil dito. At dahil dito, tila walang magawa ang LGU para ipatigil ang STL operation sa nasabing bayan.

Bakit nga ba mariing tinututulan ang STL operation ng mga residente at opisyal ng lokal na pamahalaan ng Odiongan?

Alam naman natin na itong STL, bagamat legal, ay sugal pa rin. Para lang itong tayaan sa lotteng at ending na ginawa nga lang na legal ng gobyerno. 

Maigting ang kampanya ng lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng PNP na matigil ang mga pagsugal sa nasabing bayan. Kahit nga cara y cruz ay pinagbabawal at hinuhuli ang mga naglalaro nito. 

Alam naman natin na ang pagsusugal ay immoral at nagdudulot ng maling bisyo sa tao. Nagreresulta ito sa pagka diskaril ng pananalapi ng tao o ng pamilya nito. Kapag ang isang tao ay na-addict na sa sugal, kahit ang pera nito na sana pambili ng pagkain ng pamilya ay maaaring itaya pa sa sugal, sa pag-asa o pangarap na manalo, o kaya makabawi. Pero kadalasan naman, sa ganitong klaseng sugal, talo ang mananaya. Umaabot pa sa punto na kapag wala na talagang pantaya ang tao ay maaaring magnakaw ito. 

Matagumpay ang LGU at PNP ng Odiongan sa kampanya nito kontra illegal gambling. Tapos heto na naman, sumibol itong STL na hihikayat sa mga tao na ilagak ang kanilang pera sa pagtaya sa pag-asang manalo na kadalasan naman ay talo. 

Ang STL bagamat ginawang legal ng gobyerno, ito ay immoral sa pamantayan ng bayan ng Odiongan at probinsya ng Romblon, kung kaya't mariing tinututulan ito ng mga mamamayan at mga opisyal ng nasabing bayan. 

Dapat itong isaalang-alang ng pamunuan ng PCSO. Hayaan nyo na lang na ang kita ng PCSO ay mula sa mga Casino, kung saan e, mga milyonaryo naman ang pumunpunta dun at matalo man sila ng milyon-milyon, 'kosing' ika nga ang katumbas lang 'nun sa kanila. Iba po ang usapan at halaga ng pera pagdating sa probinsya. Dahil sa probinsya, bawat peso na kita ng isang tao ay mahalaga at dapat igugol para sa pamilya. 

Sa sugal katulad ng STL, bagamat sabi nga nila, kung naka 'tsamba' ang isang taong manalo ay kung ilang tupi ang halaga ng kanyang mapapanalunan sa taya nya, pero napakaliit naman ng probability na mananalo, kaya nga literally, walang nananalo diyan, o kaya, mas madalas ay talo. 

Ano ba ang dapat gawin ng mga mamamayan ng Odiongan at ng buong lalawigan na tumututol sa STL operation? Narito ang aking mga suhestiyon.

  1. Ipagpatuloy po natin ang pagkalampag sa kinauukulan na ipatigil ang STL operation. Mag daos ng mga rally ang iba't ibang grupo at sektor tulad ng mga religious groups, youth and students sector, elderly, at of course ipagpatuloy ng mga LGUs ang kanilang pagpapahayag ng pagtutol sa STL operation. 
  2. Ipaabot hanggang sa pamunuan ng PCSO at Opisina ng Pangulo ang pagtutol ng mga mamamayan, iba't ibang sektor, at LGUs.
  3. Wag magtataya. Ang sustainability ng STL operation diyan sa bayan ng Odiongan ay siguradong nakabase lang sa dami ng tatangkilik nito. Kung walang tataya diyan, baka mahaba na ang tatlong buwan e, tumigil na ito lalo na't kung may quota ito. 
  4. Sa mga kasama natin sa media, e boycott po ang mga announcements ng STL operator, para po wala silang outlet ng kanilang mga impormasyon katulad ng resulta ng kanilang bola at iba pa. 
  5. Tutukan ng PNP ang mga ahente at runner ng STL operator, maaaring gawing front lang ang STL at e ride-on ang pagpapataya sa lotteng at ending.