'Siyam-siyam' na aksyon at nakaambang polusyon

Written by Ressie S Fos | Romblon News

Kahapon ay naiulat ng RNN ang mga eroded soil na tumambak sa bahagi ng Tablas circumferential road na malapit sa boundary ng barangays Sto. Niño at Paroyhog sa bayan ng Santa Maria, na ayon sa ating source ay halos isang buwan ng nakakalat sa kalsada at hindi pa nalilinis ng kinauukulan. 

Sino nga ba dapat ang umaksyon dito? ang provincial government ba, o ang DPWH, o ang LGU ng Santa Maria? Hindi naman siguro po kayo nagtuturuan ano ha? Para sa akin lahat po kayo ay dapat umaksyon dito within the limits ng inyong jurisdiction. 

Photo courtesy of Mr. Mark Anthony MayoPhoto courtesy of Mr. Mark Anthony Mayo

Kitang kita naman sa litrato sa taas na halos kalahati ng kalsada ay naharangan na, at hindi rin kita na may reflectorized warning sign. Needless to say, delikado po ito sa ating mga motorista dyan sa lugar lalo na sa gabi. Problema nito, kung umulan na naman sigurado magpuputik ang bahagi ng kalsada na yan.

Ano pa ba ang hinihintay para aksyunan yan mga sirs at ma'ams? Siyam-siyam? 

Usod tayo sa bayan ng Alcantara. Naging usapin din ang mga basura sa bayan na ginagawang panambak sa landfill sa may seawall. Na-Tulfo pa nga ito o, ayan sa baba na video. 

Nagpaliwanag na rin naman si Mayor Lota, at mayroon din namang pinangakong aksyon si Mayor at ang DENR. Kamusta na rin naman po ang status nyan ngayon? Pansamantala po bang ipinatigil ang pagtatambak ng basura diyan?

Minsan, mahirap nga din naman talaga sa mga namumuno sa bayan na solusyonan ang mga ganitong problema, halimbawa ang sanitary landfill dahil marami itong risks na dala, kung kaya't dapat sundin ang mga pamantayan sa pagkakaroon nito. Of course, obvious naman na hindi tama na sa baybaying lugar ito ilagay at malapit pa sa residential area, kahit pa po sabihin na ito'y ibabaon sa lupa at tatabunan. Dalampasigan po ang lugar at sigurado ang mga residue po nitong mga basura kahit pa ito nakabaon sa buhanginan o tinambakan ay lalabas at lalabas pa rin at sisira sa ating karagatan, maglalabas ng nakakalasong gas e.g. methane gas, tataas malamang ang level ng mercury sa bahagi ng lugar na 'yan, at iba pang polusyon diyan sa lugar. 

In fairness naman kay Mayor Lota at iba pang opisyal ng LGU ng Alcantara, isang malaking hamon nga naman saan ba nila ito ilalagay? Maaari bang bumili ang LGU ng lupa na malayo sa residential area para dun ilagay ang sanitary landfill? Yes, maaari itong gawin ng LGU kung mayroon silang budget. Pero ang tanong may mga tao din ba kaya na magbebenta ng lupa nila para paglagyan nito? Ang sanitary landfill o tambakan ng basura ay isang programa o proyekto na masasabi nating pang-matagalan. Ang LGU ay dapat may kongkretong plano para rito.

Sa puntong ito, hindi lamang ang mga opisyal ng LGU ang dapat magtulungan para tuluyang masolusyonan ang problemang ito ng munisipyo. Kailangan dito ang pakikiisa ng mga mamamayan, simula sa responsableng segregation ng mga household garbage at pagtatapon ng tama at maayos, hanggang sa pagboboluntaryo na mag-donate o magbenta ng lupa para sa naturang proyekto.