The Duterte Effect

Written by Ressie S Fos | Romblon News

AFP VIA GETTY IMAGESAFP VIA GETTY IMAGES

Sa loob ng halos magdadalawawang buwan pa lamang na panunungkulan ng Pangulong Duterte, marami rin sa mga opisyal ng pamahalaan lalong-lalo sa hanay ng mga LGUs, Departamento at mga NGAs, ay nakikisabay din sa pagiging masigasig ng Pangulo na magkaroon ng pagbabago sa lalo't madaling panahon. 

Ang mga masyadong visible na mga departamento sa ngayon na talagang sumasabay sa sigasig ng Pangulo ay kinabibilangan ng PNP, DENR, DA, DOLE, DSWD, at DepEd.  Makikita natin na ang mga departamentong ito ay may mga positibo ng ginagawa at nararamdaman na nga ng mga mamayan ang pagbabago. Ang DA halimbawa under Sec. Manny Piñol, kapansin-pansin rin na pabor sa mga mahihirap at magsasaka ang mga pagbabagong ginagawa sa departamentong ito. Kung wawariin, tila baga nakikipag kompetensiya rin itong mga opisyal na ito sa ating Pangulo. 

Kung para naman sa ikakabuti ng serbisyo at programa ng gobyerno, aba'y wala namang masama kung makipagkompetensiya ang mga departamentong ito. Maihahalintulad ito sa tinatawag sa pagnenegosyo na 'perfect competition' kung saan ay mas lalong napapabuti pa ang produkto at serbisyo dahil nga sa presensya ng kompetisyon. Kudos sa ating Pangulo at mga opisyal ng mga nasabing departamento dahil sa kanilang pagiging masigasig sa pagpapatupad ng mga programa ng kani-kanilang ahensiya. 

Makikita mo nga naman, ang Divisoria, Muntinlupa at Recto ay nalinis. Ang hinaing ng mga OFWs kontra OEC na pahirap lang sa mga nagbabakasyong OFWs ay tinanggal na rin on experimental basis. Hindi rin talaga matatawaran ang pagiging seryoso ng PNP sa kampanya nito kontra ilegal na droga. 

Bagamat may mga ibang departamento na tila sablay sa tingin ng iba tulad na lamang ng DFA na tila hindi kayang panindigan ni Sec. Yasay ang sapatos ng Pilipinas sa Scarborough Shoal conflict nito sa China.  Idagdag pa ang tinatawag rin ng iba na 'ika nga ay 'collateral damages' lalong-lalo na sa kampanya kontra illegal drugs kung saan ay iniuugnay ang mga extra judicial killings. 

Tanggap naman ito lalong-lalo ng mga taga suporta ng Pangulong Duterte, anila may kasama talaga umanong mga 'sakripisyo' ang pagbabago, ang mas importante kako ay mapuksa ang droga na nagdudulot ng mataas na antas ng kriminalidad sa bansa.