Nurse at Ex-Barangay Kagawad, huli sa buy-bust sa Palawan

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Huli sa magkahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (CPO) ang isang nurse ng call center at dating barangay kagawad na sangkot umano sa iligal na droga nitong Sabado, February 10.

Unang naaresto bandang alas-5 ng hapon ang nurse na kinilalang si Edgar Allan Pagayona, 37-taong gulang, sa isang buy-bust operation na ikinasa laban rito.

Nakuha umano sa kay Pagayona ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, apat na piraso umano ng pekeng P100 bill, isang motorsiklo, at isang cellphone.

Sunod namang naaresto si Rex Sulayao, dating Barangay Kagawad ng Barangay Sicsican. Nakuhaan rin umano si Sulayao ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu at ilang drug paraphernalia.

Sinabi ni Police Chief Inspector Mark Allen Palacios, hepe ng Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office, na magpapatuloy umano ang kanilang mga operasyon kontra sa mga drug personalities hangga't may mga lumalabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.