Isa patay sa aksidente sa Occidental Mindoro

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Isa ang patay sa isang aksidente sa Sitio Bunga, Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro bandang 9:30 ng gabi nitong Biyernes, January 19.

Ayon kay Jesus Venturanza ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Magsaysay, nawalan umano ng preno ang close truck na puno ng kargang groceries at inumin kaya naaksidente.

Dahil walang preno, pinili umano ng driver na isadsad ang sasakyan sa gilid ng kalsada hanggang sa tumagilid ito ngunit ang isang pahinante umano ng truck ay tumalon palabas ng truck kaya siya nadaganan at nasawi.

Nagtamo naman ng galos ang driver at isa pang pahinante ng truck.

Nagkalat naman ang mga kargang inumin at grocerries ng truck na ihahatid sana nito sa Sablayan, Occidental Mindoro galing Calapan City, Oriental Mindoro.

Matatandaang sa nasabing lugar rin nangyari ang aksidente ng bus na sinasakyan ng mga atleta ng University of Rizal System kung saan nasawi ang dalawa nilang guro nito nitong Disyembre 2017.