MRAA pinaghahandaan na sa San Jose, Occidental Mindoro

Written by Philippine Information Agency

Isinagawa kamakailan sa Sikatuna Beach Hotel sa bayang ito ang pulong ng lahat ng komite na naitalaga para sa Mimaropa Regional Athletics Association (MRAA) Meet, na gaganapin sa buwan ng Marso, 2018.

Pinangunahan nina Provincial Administrator Mariano Montales at Danilo Roxas, Department of Education (DepEd) School Division Superintendent, ang naturang general committee meeting.

Ayon kay Roxas, positibo siya na magiging matagumpay ang MRAA subalit nais niyang magkaroon ng ideya sa ibibigay na ulat ng ilang komite. Ang mga ito ay ang Opening at Closing Committee, welcoming, billeting, parade, playing venue at souvenir committee. Naniniwala si Roxas na napakahalaga ng mga komiteng nabanggit sa ikatatagumpay ng pagdaraos ng MRAA.

Agad namang nagbigay ng suhestyon si Montales na gawing madalas ang pulong ng limang komite. Nagprisenta na rin ito na tututok sa mga naturang komite upang mabantayan ang pagusad ng gawain ng mga ito. Hinikayat din ng provincial administrator ang lahat na magtulungan sa ikatatagumpay ng MRAA na aniya’y isang malaking aktibidad para sa lalawigan. Ito ang kaunaunahang pagkakataon na gaganapin ang MRAA sa lalawigan.

Samantala, pinasalamatan din ni Roxas ang ilang mga eskwelahan gaya ng Divine Word College at Occidental Mindoro State College sa pagpayag ng mga ito na gamitin ang kanilang pasilidad ng libre sa darating na Palarong Pang-rehiyon.

Habang sinusulat naman ang balitang ito ay patuloy na nagbibigay ng ulat ang 31 komite na binuo para sa MRAA. (Voltaire N. Dequina, PIA-MIMAROPA)