Ginang, nanganak sa loob ng barko na biyaheng Mindoro

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Isang ginang ang nagsilang ng malusog na baby girl sa loob ng pampasaherong barko nitong hapon ng December 27.

Sakay ang ginang ng barkong M/V Maria Erlinda ng Montenegro Lines at biyaheng Batangas City patungong Calapan City.

Bandang ala-una ng hapon nang makaramdam umano ng paninikip sa tiyan at tila pag putok ng panubigan ng babae ang ginang na kinilalang si Rochelle Amores.

Bigla nalang umano siya napaanak sa gitna ng biyahe at wala ng nurse na tumulong sakanya maliban sa kanyang kasamang asawa.

Pagdating ng Calapan City, agad na pinuntahan si Amores ng mga tauhan ng Calapan City Public Safety Department para linisin ang bata at putulin ang umbilical cord nito.

Agad na dinala rin si Amores sa ospital.

Ligtas namang naipanganak ang bata na pinangalanang Maria Erlinda, kapangalan ng barkong nasakyan ng mag-asawa.