Truck na galing Concepcion, Romblon; tumagilid sa Occidental Mindoro

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Photo Courtesdy of Magsaysay MDRRMOPhoto Courtesdy of Magsaysay MDRRMO

Isang cargo truck na may lamang mga kahoy ang naaksidente nanaman sa bahagi ng National Road sa Sitio Bunga, Barangay Nicholas, Magsaysay, Occidental Mindoro pasado alas-6:20 ng umaga kanina, December 13.

Nangyari ang aksidente sa lugar kung saan nangyari rin ang aksidente ng isang bus nitong nakaraang mga araw lamang na kinasangkutan ng mga estudyante ng University of Rizal System.

Ayon sa Magsaysay Municipal Police Station, nawalan ng preno ang nasabing truck hanggang sa tumagilid ito sa right portion ng kalsada. Papunta sana itong San Jose, Occidental Mindoro galing Pinamalayan, Oriental Mindoro at maghahatid ng mga coco lumber na galing Concepcion, Romblon.

Sugatan naman ang driver na si Angelo Macayon, 40, residente ng Bansud, Oriental Mindoro; at ang kanyang pahinante na si Mahalito Paras, 44; residente ng Gloria, Oriental Mindoro.

Agad naman silang isinugod sa San Jose District Hospital matapos magtamo ng iba't ibang sugat at bali sa katawan.

Patuloy na nagpapagaling ang dalawa sa ospital.