Dating Konsehal, Patay matapos malunod sa San Andres

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News
  • Pinterest

Patay na ng dumating sa San Andres Municipal Hospital ang dating konsehal ng bayan ng San Andres, Romblon matapos malunod sa kasagsagan ng pag-uulan sanhi ng Habagat na pinalakas naman ng bagyong Maring kahapon ng tanghali.

Ayon sa police report ng San Andres Municipal Police Station, naligo umano ang biktima sa dagat sa Barangay Poblacion kahit na mataas ang alon.

Kinilala ang biktima na si Paterno Moreno Cortez, 57 yo, Ex-Sangguniang Bayan Member.

Pinagsabihan na umano si Cortez ng isang nag nangangalang Mark Bulaclac ngunit hindi umano alintana sa dating SB Member ang malalakas na alon at patuloy na naligo. Umalis si Bulaclac para magluto ng tanghalian at pagbalik nito sa may dagat ay nakita niya ang lumulutang na katawan ng dating konsehal.

Sinubukang i-revive ang katawan ng biktima ngunit bigo ang rescuer.

Maaring inataki umano ito ng hypertension habang naliligo sa dagat kaya nalunod.

Tumanggi na ang pamilya ng nasawi na ipa-autopsy ang katawan ng biktima para tingnan kung may foul play.