Rider na Minor, sugatan sa salpukan ng Patrol Car at Motorsiklo sa San Andres

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Sugatan ang isang rider matapos na sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa patrol car ng San Andres Muincipal Police Station nitong nakaraang Huwebes, August 17.

Ayon sa report ng Romblon Provincial Police Office, papunta umanong Odiongan, Romblon ang patrol car ng San Andres MPS ng biglang bumulaga sa intersection ang motorsiklo na minamaneho ng isang 17-taong gulang na estudyante, residente ng Barangay Marinorte, San Andres, Romblon.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang rider at nagkaroon ng sira ang motorsiklo at ang patrol car ng San Andres MPS.

Isinugod ang rider sa San Andres District Hospital at kinalaunan ay dinala rin sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan para sa dagdag na pagsusuri.

Ligtas na ngayon ang rider at nagpapagaling na ayon sa San Andres Municipal Police Station.

Kinasuhan naman ng Reckless Iprudenec Resulting in Damage to Property ang 17-taong gulang na estudyante sa Office of the Provincial Prosecutor.