Police operatives in Romblon Province nets 9 wanted persons on Friday

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng mga kapulisan ng Romblon Police Provincial Office ngayong Biyernes ang aabot sa 9 wanted persons sa buong probinsya ng Romblon kasama na ang apat na wanted dahil sa kasong Attempted Murder sa bayan ng Romblon, Romblon.

Sa Odiongan, Romblon naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, San Andres Municipal Police Station at Criminal Investigation and Detection Team ng Romblon ang lalaking wanted dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o mas kilalang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Naaresto si Jayson Baila, 31-taong gulang sa Barangay Batiano sa bayan ng Odiongan nitong madaling araw ng Biyernes.

Sa Sibuyan Island naman, inaresto ng mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station sa pangunguna ni PSInsp. Elmer Fajel, si Riño Royo, 47-taong gulang, residente ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon dahil naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o mas kilalang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Sa Magdiwang naman sa pareho paring isla, naaresto naman ng mga tauhan ng Magdiwang Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Mark Edison Bantilan, si Marlon Rom, 25-taong gulang, residente ng Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon dahil naman sa kasong paglabag sa Republic Act 7586 o mas kilalang National Integrated Protected Areas System Act of 1992 (NIPAS Act).

Sa isla naman ng Carabao Island, naaresto ng mga tauhan ng San Jose Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Florante Sugian III ang lalaking wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o mas kilalang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Kinilala ang suspek na si Rogelio Mingo, 29-taong gulang, at residente ng Barangay Combot, San Jose, Carabao Island, Romblon.

Sa Banton, Romblon naman, naaresto si Eufricino Fetizanan Fadrilan, 55-taong gulang, residente ng Barangay Tumalum, Banton, Romblon.

Inaresto si Fadrilan ng mga tauhan ng Banton Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, Chief of Police, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o mas kilalang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Hawak na ngayon ng mga kapulisan ang mga naarestong suspek at inaasahang dadalhin sa mga korte para ibalik kasama ang kanilang mga warrant of arrest.

Ang mga nasabing operasyon ay bahagi ng mas pinaigting na police operations ng Romblon Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director, Senior Superintendent Leo Quevedo.