Komunidad, hinihikayat ng DepED na makibahagi sa Brigada Eskwela

Written by Dennis M. Manzo | PIA - IVB

by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 24 May 2016

Ang Department of Education (DepED) Schools Division of Romblon ay naghahanda na para sa isasagawang anim na araw na Brigada Eskwela o National Schools Maintenance Week.

Ang nasabing aktibidad ay ilalatag simula ika-30 ng Mayo hanggang ika-4 ng Hunyo 2016 na naka-angla sa temang, “Tayo para sa paaralang ligtas, maayos at handa mula kindergarten hanggang senior high school”.

Ito ay taunang ginagawa ng Kagawaran ng Edukasyon upang maihanda ang mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa buong bansa bago magbukas ang pasukan.

Sinabi ni OIC-Schools Division Superintendent Roger F. Capa, nais ng kanilang ahensiya na maging handa ang lahat ng mga paaralan sa anumang uri ng sakuna, maging malinis at kaaya-ayang tingnan.

Inaasahan nitong makikibahagi sa aktibidad na ito ang iba’t-ibang sektor tulad ng mga magulang, lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno, non-government organizations, relihiyon, negosyante, pulis at maging ang mga nasa pribadong kumpanya.

Nanawagan din ang opisyal na makiisa ang mga magulang at ibang sektor ng komunidad na makibahagi at tumulong sa gaganaping Brigada Eskwela bilang ambag sa kanilang mga anak na nag-aaral.