LGU Romblon, naglatag ng ‘Business One-Stop-Shop’ processing lane

Written by Dennis M. Manzo | PIA - IVB

Ang lokal na pamahalaan ng Romblon, sa pangunguna ng Municipal Treasurer, ay naglatag na ng “Business One-Stop Shop (BOSS) Processing Lane” sa ground floor lobby ng munisipyo simula noong unang linggo ng Enero.

Inilatag ng treasurer’s office ang BOSS Lane para mas mapabilis ang transaksiyon ng sinumang kumukuha ng business permit at nagbabayad ng buwis.

Taunang ginagawa ito ng pamahalaang bayan ng Romblon upang kagyat na malaman at mas madaling makita ng mga mag-aayos ng kanilang papeles o magbabayad ng buwis ang tanggapan ng mga opisina na may kaugnayan sa kanilang gagawing transaksiyon sa munisipyo.

Kabilang sa mga ahensiyang nagtalaga ng processing lanes ay ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa business name ng mga bagong itatayong negosyo, Municipal Planning and Development Coordinator para sa zoning and land use clearance, Municipal Engineering Office para sa building inspection clearance, Rural Health Unit (RHU) para sa sanitary inspection clearance at medical clearance, Bureau of Fire Protection para sa fire safety inspection clearance, Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa Tax Identification Number (EO 98) at BIR Registration.

Kabilang din dito ang Social Security System (SSS) na nagbibigay rin ng clearance alinsunod sa R.A. 8282, PhilHealth na nagkakaloob na rin ng clearance bilang pagsunod sa R.A. 7875 & Municipal Ordinance No. 37-2012 at kinakailangan ding kumuha ang isang aplikante ng ng Community Tax Certificate o cedula (R.A. 7160).

Namamahagi rin ng polyeto ang mga tauhan ng treasurer’s office ukol sa paraan sa pagkuha ng business permit upang maging guide (basehan) ng mga kliyente kung anu-anong rekisitos ang kailangan nilang kompletohin at may ipinamimigay na libreng meryenda para sa mga nakapila o naghihintay na maiproseso ang kanilang mga papel.

Ayon kay Monica M. Malay, municipal treasurer, ang isang aplikante ay kinakailangang humingi ng application form sa tanggapan ng alkalde, magsumite ng Barangay clearance kung saan naka-address ang establisyemento, paabrubahan at magbayad ng kaukulang bayarin sa Treasurer’s Office at i-submit sa Mayor’s Office kapag kompleto na ang mga requirements para magawan ng permit ang establisyementong pagmamay-ari.

Dahil sa BOSS ay napaiksi na ang oras sa pagpo-proseso ng mga dokumento at agarang natatapos ang lahat ng transaksiyon.

Hindi na rin nahihirapan ang lokal na pamahalaan sa pangongolekta ng buwis at iba pang bayarin sa mga lupain at ari-arian ng mga mamamayang nasasakupan nito.

Ang processing lane ay mananatili sa lobby ng Romblon Municipal Building hanggang sa Enero 31.

Samantala, naglatag rin ng parehong one stop shop ang LGU Odiongan sa loob ng Odiongan Municipal Hall para asikasuhin ang mga papeles ng gustong mag apply at mag renew ng business permits para sa taong 2018.