Dalawang pawikan, nalambat sa Agpanabat, Romblon

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Dalawang Green Sea Turtles o Pawikan ang aksidenteng nalambat kaninang hapon ng mga mangingisda sa Barangay Agpanabat bayan ng Romblon, Romblon.

Ayon kay Rose Romblon na kumuha ng litrato, unang nalambat ang pawikan na may sukat na 35cm haba at 33cm lapad bandang ala-una ng hapon.

Dinala umano ito sa kanyang bahay ng mga mangingisda para sandaling tingnan.

Bandang alas-3 naman ng hapon ng malambat ang isa pang pawikan na may haba namang 42cm at lapad na 40cm.

Pinuntahan ng mga tauhan ng Bantay Dagat ang dalawang pawikan para suriin. Matapos matingnan at masiguradong walang sugat ang dalawang pawikan, agad nila itong pinakawalan sa dagat na sakop ng nasabing Barangay.

Paalala ng Bantay Dagat, ugaliing ibalik sa dagat ang mga pawikang mahuhuli at huwag sasaktan o huhulihin dahil may karampatang parusa sa batas ang mga nabanggit.