Rider, patay sa salpukan ng motorsiklo sa Romblon, Romblon kagabi

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Dead on arrival ng maisugod sa Romblon District Hospital ang isang rider matapos na masangkot ito sa salpukan ng motorsiklo sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon, pasado alas-8 kagabi.

Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang rider na si, Russel Mingoa, 18 taong gulang.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umanong binabaybay ng motor na minamaneho ni Mingoa ang kahabaan ng kalsada sa Barangay Lonos sakay sina Pipoy Roda, 17; at Alvin Montero, 19. Bigla umanong nawalan ng kontrol ang motorsiklo nina Mingoa at sumalpok sa isang pavement hanggang tumilapon sa kasalubong nilang motorsiklo na minamaneho naman ni Ernesto Doblas, sakay si Jullien Marie Manzano.

Agad na inimbestigahan ng pulisya ang pangyayari at napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak sina Mingoa at kanyang mga kasama.

Habang iniimbestigahan ng pulisya, bigla umanong tumakas si Alvin Motenro sa hindi pa alam na kadahilanan. Pinaghahanap na siya ng kapulisan.

Inaalam pa ng kapulisan kung sinong mananagot sa pangyayari.