Witness sa pagpaslang kay Rezin Galicha, kinasuhan ng murder

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 05 November 2015

Pormal nang sinampahan ng kasong murder ngayong araw sa Office of the Provincial Prosecutors ang pinsan at kasama sa boarding house ni Rezin Galicha noong siya ay patayin noong August 18 sa loob ng main campus ng Romblon State University.

Humarap kay Provincial Prosecutor Rossana Montojo ang ama ni Rezin na si Reggie Galicha kasama ang kanyang attorney at si Police Senior Inspector Alvimar Flores ng Odiongan Municipal Police Station.

Ayon kay Police Senior Inspector Alvimar Flores, ang desisyon na kasuhan ang pinsan ni Galicha ay resulta nang mabusisi nilang imbestigasyon sa mga salaysay ng mga unang rumesponde sa krimen at mga naiwang ibedensya sa crime scene.

Base sa mga salaysay ng mga kapit-bahay ng pinangyarihan ng krimen, sinabi nilang pasado ala-una ng madaling araw ng may marinig silang sigaw na "Aaaaaaaaah. Ahhhhhhhhhhhhh" na tumagal ng halos sampung (10) sigundo na sinundan naman ng malakas na sigaw na "Tabang! Tabang! Tabang!" na ibig sabihihn ay "Tulong! Tulong! Tulong".

Nakasaad rin sa investigation report ng OMPS na walang ibang napansin na pumasok sa loob ng bahay dahil tanging mga fingerprints ng survivor ang nakita sa door lock ng crime scene.

Isa rin sa mga pinagbasehan ng kaso ang pabago-bagong salaysay ng pinsan ni Rezin, isa na rito ang pahayag niya na ang natatandaan niyang suspek ay chubby at 5'2 ang height na binago niya ng magkaroon na ng re-eneactment sa crime scene.

Kasamang kinasuhan ng Odiongan Municipal Police Station ang isang hindi pa nakikilalang tao na maaring kasabwat ng di umanoy patayin si Galicha.

"Kung sa hearing ay lumabas na may kasama siya, doon palang natin pwedeng pangalanan ang maaring isa pang suspek." ayon kay PSI Flores ng Odiongan Municipal Police Station.

Sa text message naman na ipinadala ni Atty. Petroni Fradejas. abogado ng witness sa Romblon News, sinabi nitong hindi pa nila natatangap ang kopya ng kasong isinampa sa piskalya.

Ang nasabing kaso ay titingnan pa ng pamunuan ng Provincial Prosecutor Office kung may probable cause ba ang kaso bago ipagpatuloy sa Regional Trial Court.