2Go vessel na biyaheng Odiongan, bumalik sa Batangas dahil sa malakas na alon

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Dahil sa malakas na alon sa dagat sa bahagi ng Oriental Mindoro, bumalik sa Batangas Port ang barko ng 2Go Travel na biyaheng Odiongan, Romblon sana kagabi.

Ang barkong M/V Saint Anthony De Padua ay umalis ng Batangas Port ng alas-9 kagabi ngunit makalipas ang 3 oras na biyahe ay nag-anunsyong babalik ito ng Batangas Port dahil sa malakas na alon sa dagat.

Mananatili muna umano sa Batangas Port ang barko hangga't hindi maganda ang lagay ng panahon sa dagat.

Ang malakas na alon ay epekto ng Hanging Amihan at ng Bagyong Basyang na nasa bahagi ng Mindanao.