Naglalakad na lasing, nahagip ng motor; 3 sakay, sugatan

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Boracay Informer PhotoBoracay Informer Photo

Sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo at ang driver nito matapos na mahagip ang pagiwang-giwang na lasing sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Linggo, February 11.

Ayon kay Police Senior Inspector Leidelyn Ambonan ng Romblon Provincial Police Office, bandagn alas-5 ng hapon nang maaksidente sina Antonio Fajutnao, 42, driver; Jun Magramo, at Jose Romero, mga sakay, pawang mga residente ng Barangay Balogo, Calatrava, Romblon.

Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, pauwi na ang tatlo ngunit pagdating umano sa pakurbang bahagi sa malapit sa Barangay Hall ng Barangay Gabawan ay bigla umanong tumawid ang lasing na kinilalang si Arnold Ferrancullo kaya ito nahagip.

Tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo at nagtamo ng mga galos at sugat sa katawan.

Agad na isinugod ang tatlo sa Romblon Provincial Hospital para gamutin ang sugat.

Samantala habang nag-iimbestiga ang pulisya sa Odiongan, napag-alaman nila na nakainum rin ng alak ang driver ng motorsiklo.

Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing aksidente at tinutukoy na kung sinong mananagot rito.