Presyo ng isda sa Odiongan, lilimitahan na

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Lilimitahan na ng Local Government ng Odiongan ang presyo ng iba't ibang uri ng isda na ibinibenta sa Odiongan Public Market, ito ay batay sa bagong ordinansang ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Odiongan nitong ikalawang Linggo ng January.

Naiforward na raw ang nasabing ordinansa sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon para aprabuhan bago ito ipatupad.

Sa Ordinance No. 2018-01 na sinulat ni SB Rolly Lachica, sinabi rito na ang presyo ng mga isda ay ibabase kung anong klaseng isda ito at kung ito ay pasok ba sa Special Class, First Class, Second Class, Third Class, at Fourth Class.

Batay sa bagong ordinansa, hanggang P250/kilo nalang pwedeng ibentanta ang isdang kabilang sa Special Class; habang ang sa First Class naman ay hanggang P200/kilo; P150/kilo naman sa Second Class; P100/kilo sa Third Class; at P80/kilo para sa mga Fourth Class na isda.

Kabilang sa Special Class ang mga isdang Tanigue, Lapu-lapu, Mamsa, Saguisihon, Malasugi, Maya-maya, Gingaw, Bakla, Yellow Fin, Rugso at Tingayog.

Ang mga isdang San Juan, Panraan, Bangkilan, Parol, Pampano, Kilawan, Malaguno, Panapsapan, Rumpi, Kalapato, Mangagat, Bisugo, Mabilog (uwakan), Bangus, Malatigue, Silay, Bacoco, at Balilito ay kabilang sa mga First Class na isda.

Second Class namang isda ang Buyaw, Tilapia, Solig, Buntan, Liwit, Ik-ik, Sapsap, Tambilawan, Tikil, Labahita, Tulingan, Pulang-buntot, Burawis, Manabuyaw, San Nicolas, Gulyasan, Tirok, Bayanak, Dorado, Matambaka, at Galunggong.

Kabilang sa Third Class naman ang mga isdang Tamban, Hasa-hasa, Samolito, Kikilo, Saligudsod, Haluan, Casili, Hamalit, Piña-piña, Ipingan, Balila, Asoho, Ito-ito, Galunggong (papaisin), at Gusaw.

Nasa Fourth Class naman ang mga Bulinaw, Manamsi, Pulong, Barongoy, Pantat, Awa, Guno, Suga, Gurami, Dalag, Balitos, Yapis, Lamiyong, Ingle, Tiki, Palata, Iliw, Oras, Nipa-nipa, at Bugiw.

Samantala, ang mga iba pang marine prodcuts ay nilagyan rin ng price ceiling katulad ng alimango na nasa P150 hanggang P250 lang dapat ang kilo; Lobster na hanggang P250/kilo; Shrimps kagaya ng Putian na nasa P300-P450/kilo at Sugpo na nasa P500/kilo; Squids kagaya ng Baguyan na hanggang P150/kilo, Pusit Ballpen na P180/kilo; Pusit Pulambutan na P250/kilo; Pusit Pay-utan na P100/kilo; at Octopus na dapat P150 lang per kilo.

Ayon sa bagong ordinansa, ang lahat ng fish vendor na lalabag sa nasabing ordinansa ay pwedeng mapatawan ng P1,000 hanggang P2,500 na multa o di kaya ay pagka-kansela ng kanilang business permit.

Ang nasabing ordinansa ay isang amendment lamang sa ordinansa noong 2009 na sinulat ni dating Sangguniang Bayan Member Domy Bantang.