Mahigit 270 bagong guro sa lalawigan ng Romblon, pormal nang nanumpa

Written by Dennis M. Manzo | PIA - IVB

Matagumpay na idinaos ang 30th Oath Taking Ceremonies for Professional Teachers ng mga pumasa sa nakaraang September 2017 Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) na ginanap kamakailan sa covered court ng bayan ng Odiongan.

Pinangunahan ni G. Sharo B. Lo, hepe ng delegasyon ng Professional Regulation Commission (PRC) ang panunumpa ng 279 na mga bagong guro.

Sinabi ni Lo na ang pagkakapasa sa board exam ng isang guro ay hudyat pa lamang ng panibagong hamon na kinakailangang harapin ng mga ito at hinimok nito ang mga bagong pasa na gampanan ang kanilang bagong tungkulin, ang pagiging guro para sa bansang Pilipinas.

Ang lalawigan ng Romblon ay karaniwang kasama sa listahan ng mga Testing Center para sa second phase ng LET na ginaganap tuwing buwan ng Setyembre kada taon kung saan noong 2017, mahigit 300 na graduate ng Romblon State University (RSU) ang pumasa sa nasabing pagsusulit.

Ayon kay Governor Eduardo C. Firmalo, batay sa tala ng RSU, taun-taon ay dumarami o mas nadadagdagan ang bilang ng pumapasa sa licensure examination na ibinibigay ng gobyerno at ang ilan pa sa mga ito ay iskolar ng pamahalaang panlalawigan.

Ang passing rate aniya ng RSU noong September 2017 BLEPT ay doble kumpara sa national passing rate at matatandaan na ang Top 2 dito ay si Dana Kaye Fabiala na tubong Corcuera, Romblon.

Indikasyon aniya ito na mataas ang kalidad ng pagtuturo sa unibersidad na kanyang pinamumunan at ito’y malaking karangalan para sa RSU campuses sa buong lalawigan.

Sa maikling mensahe ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, kanyang pinasasalamat ang Romblon provincial government sa pakikipagtulungan ni PESO Provincial Manager Alice Fetalvero, maging sa pamunuan ng RSU at PRC sa pag-arrange ng oath taking ng mga BLEPT passers sapagkat mas nakatipid ang mga ito sa gastusin. Mas mahirap aniya kapag sa Maynila pa manunumpa ang mga bagong guro sapagkat kanila pang papasanin ang gastusin sa pamasahe at pagkain.