Libreng salamin sa mata ipinamahagi sa mga estudyante sa Tablas island

Written by Dennis M. Manzo | PIA - IVB

Dalawandaang mag-aaral sa bayan ng Odiongan ang nabigyan ng libreng salamin sa mata ng Quezon City Platinum Lions Club at Kabankalan Lions Club sa pakikipagtulungan ng Romblon Provincial Government.

Ang Sight for Kids Program ng naturang non-government organization ay naglalayong makatulong sa mga batang mag-aaaral na may kapansanan sa paninigin o may panlalabo ng mata.

Layunin din ng grupo na mapalinaw ang mga mata ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng salamin upang maayos na makapagbasa at makapag-aral ng kanilang leksiyon.

Ang pamamahagi ng eyeglasses ay ginanap sa covered court ng Odiongan town plaza na dinaluhan ng mga halal na opisyal ng nabanggit na bayan sa pamumuno ni Mayor Trina Firmalo-Fabic.

Matatandaan na noong buwan ng Setyembre ay nag-ikot na rin ang naturang NGO sa iba’t ibang bayan sa isla ng Tablas para magsagawa ng test sa mga mata ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya upang mabigyan ang mga ito ng ng libreng salamin sa mata.

Kanilang isinagawa ang libreng eye screening at check-up sa mata sa mga bayan ng Odiongan, Ferrol, San Andres, Calatrava, San Agustin, Sta. Maria, Alcantara, Looc at Santa Fe.

Ayon sa nag-organisa ng naturang aktibidad, ang kahinaan ng isang mag-aaral sa klase ay hindi lamang bunsod ng kanyang kahinaan na sumunod sa aralin ng guro, bagkus, isa sa dahilan nito ay ang malabong paningin na siyang nagiging dahilan ng mabagal niyang pagsunod sa mga aralin sa clasroom.

Nakatakda rin magtungo ang nasabing grupo sa mga bayan na nauna na nilang pinuntahan upang bigyan ng libreng salamin ang mga batang sumailalim na sa kanilang pagsusuri o eye screening.

Maliban sa mga bata, nagkaloob din ang naturang Lions Club ng libreng reading glass sa 500 katao na may edad 40 taong gulang pataas.