Dalawang Barangay sa Odiongan, binaha!

Written by Jhay Fornal | Romblon News

Dahil pa rin sa magdamag na pag-ulan sa Tablas Island dulot ng Low Pressure Area na nasa silangang bahagi ng Luzon, nalubog sa baha nitong hating gabi ng September 23 ang dalawang barangay sa bayan ng Odiongan.

Sa Barangay Libertad, naabutan pa ng Romblon News Network Team ang isang lalaki na kinukuha ang mga inanod niyang mga gamit katulad ng water jag at timba.

Umabot hanggang bewang ang taas ng tubig sa kalsada malapit sa Libertad Foursquare Gospel Church.

Isang lalaki rin ang naabutan ng Romblon News Network Team na hinihila mula sa baha ang kanyang alagang baka.

Sa Barangay Tulay naman nalubog din sa hanggang bewang na baha ang mga kabahayan malapit sa Sitio Riverside. Ayon sa ilang residente sa lugar, mabilis umanong tumaas ang tubig rito bandang ala-una ng madaling araw.

Ilan sa kanilang mga gamit umano katulad ng washing machine at refrigerator ay inakyat na muna nila sa mataas na lugar.