Mga Tindero, nagpaliwanag sa Sangguniang Bayan kung bakit mahal ang presyo ng Isda sa Odiongan

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News
  • Pinterest

Nagpaliwanag ang mga tindero ng isda sa Odiongan Public Market sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ngayong araw, August 10, sa ginanap na Committee Meeting ng Committee on Tourism, Trade and Industry sa Odiongan New Legeslative Building patungkol sa kung bakit mahal ang presyo ng isda sa Odiongan at planong paglalagay ng ceiling price ng mga isda.

Ayon kay Elmor Hernandez, President ng Association ng mga Fish Vendor sa Odiongan, kulang kasi umano ang supply ng isda sa Odiongan dahil wala naman umanong mga malalaking sasakyang pangisda sa bayan.

Itinuturong dahilan ni Hernandez ang pagbabawal sa mga 'Pangulong' at "Sayap' sa municipal waters ng Odiongan at dahilan kung bakit kinakailangan pa ng Odiongan na mag-import ng isda sa ibang bayan para lang may maibenta sa palengke.

Ngunit maaring hindi umano ito ang dahilan ayon kay Emmanuel Eranes, isang mamahayag na inimbeta rin sa pagpupulong. Kung sakaling payagan umano ang 'pangulong' sa Odiongan masusuway nito ang batas na nagbabawal na mangisda ang commercial vessel sa municipal waters na nakasaad sa Republic Act 8550.

Kung nagagawa umano ang pangulong sa ibang bayan, isa lang umano ang sagot rito, lumalabag sa batas ang mga nasabing mangingisda.

Naniniwala naman si Vice Mayor Mark Anthony Reyes na isa sa mga dahilan kung bakit kakaunti ang supply ng isda sa Odiongan ay ang ginagawang pag-export ng mga isda patungo sa ibang probinsya. Sumasang-ayon rin si VM Reyes sa obserbasyon ng Sangguniang Panlalawigan na ang pagkakaroon ng maraming middle man [mga dinadaanan ng isda bago makarating sa palengke] ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakapatong-patong ang presyo ng isda.

Isa sa mga plano umano ng Munisipyo ng Odiongan ay ang pagkakaroon ng fishpond sa Odiongan para sa mga bangus at tilapia. Makakatulong umano ito para bumaba ang presyo ng mga nasabing isda dahil madadagdagan na ang supply. Naglaan na umano ng P1.3Million pesos na budget ang lokal na pamahalaan para sa nasabing proyekto na inaasahang sisimulan sa mga susunod na buwan.

Kung sakaling hindi rin umano ito maayos, isa sa mga maaring solusyon ng munisipyo ay direkta silang bibili sa fishport at kanila itong ibebenta ng walang interes sa mga tindero sa palengke para mababa ang presyong bigay sa mamimili dahil walang dadaanang middleman.