Odiongan Councils to post tariff inside Licensed Motorized Tricycle

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Para hindi na mahirapan ang mga commuters at para hindi na rin makapagsamantala ang ilang colorum na tricycle kaugnay sa pamasahe ay pinaplano ng Sangguniang Bayan ng Odiongan na maglalagay ng poster o sticker sa loob ng sidecar ng mga tricycle na kung saan may nakasaad kung magkano ang taripa o fare matrix.

Ito ang napag-usapan sa ginawang committee meeting sa Session Hall ng Odiongan Legeslative Building ngayong araw, August 10.

Nasa pagpupulong ang mga opisyal ng iba't ibang grupo ng Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA) na meron sa buong bayan ng Odiongan. Dumalo rin sa pagpupulong si Mayor Trina Firmalo-Fabic, Vice Mayor Mark Anthony Reyes at mga konsehal.

Ayon kay Committee on Transportation Chairman Diven Dimaala, magpapagawa agad sila ng fare matrix na ibibigay lamang sa mga tricycle na may lisensyang bumiyahe sa Odiongan para alam ng mga mananakay ang kanilang ibabayad.

Inaasahang bago idaos ang MIMAROPA Festival sa darating na Nobyembre ay may mga fare matrix na nakapaskil sa loob ng mga tricycle na bumabiyahe sa buong Odiongan.

Ayon sa kasalukuyang ordinansa ng Odiongan, ang mga tricycle o tinatawag na tribike na bumabiyahe paikot sa sentro lamang ng Odiongan ay may minimum fare na P10 lamang at madagdagan ng P1 kada isang kilometrong dagdag sa biyahe.

Paalala ni Sangguniang Bayan Member Rollie Lachica, kailangan umanong sundin ang nasabing ordinansa at walang karapatan ang sinuman na magbago nito hanggat hindi naa-amyendahan ng Sangguniang Bayan.

Handa namang tumalima ang mga Tricycle Operators and Drivers' Association sa Odiongan sa nasabing utos. Ayon sa kanila, maganda umano ito para malaman kung sino ang mga colorum at mga hindi dapat sakyan ng mga mananakay.

Maliban sa nakasulat na pamasahe, maglalaman rin ang poster o sticker na ilalagay sa loob ng tricycle ang hotline number ng Odiongan Municipal Police Station at hotline kung saan pwedeng magreklamo ang mga pasahero kung sakaling naisahan sila ng mga tricycle drivers.

Paalala naman ni Vice Mayor Mark Anthony Reyes sa mga pasahero ng mga tricycle, kung may reklamo sila kunin umano ang plate number para may mapanagot sa mga reklamo.