Negosyo sa Odiongan nadagdagan ng halos 62% ngayong 2017 - Mayor Fabic

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Malaki at dumami ang dumagdag na negosyo sa bayan ng Odiongan magmula July 2016 hanggang June 2017.

Batay sa datus na ibinahagi ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang unang State of the Municipality Address o 'Ulat Sa Bayan' nitong July 31 ng umaga, sinabi ritong may roon lamang 954 na registered business ang Odiongan noong January-June taong 2016.

"Ngayong taong 2017 mula Enero hanggang katapusan ng Hunyo, mayroong 1545 na mga negosyo na kumuha ng business permits. 1291 ang mga nag renew at 254 ang mga bagong negosyo na nag apply ng permit. Average po yan ng 42 na negosyo na nagbubukas sa Odiongan kada-buwan," mensahe ng alkalde.

Dagdag pa niya, nito lamang umanong July 2017 may nadagdag pa na 51 na negosyo kaya sumatotal meron ng 1596 na negosyo sa Odiongan na rehistratado sa munisipyo o may business permits.

Sa pangkalahatan umano, aabot na ng Php746,804,641 ang pera na naka-invest sa Odiongan.

Dahil umano rito bumilis rin umano ang growth ng Odiongan na nagtala ng 16.7% sa unang anim na buwan ng 2017 kumpara sa taong 2016.

"Napakabilis ng growth ng ating bayan. Maganda ang ekonomiya natin. Positibo ang tingin ng mga tao sa pagnenegoso at pag-iinvest dito sa bayan ng Odiongan," mensahe pa ng alkalde.