UP Singing Ambassadors, nagtanghal sa bayan ng Alcantara at Odiongan

Written by Dennis M. Manzo | PIA - IVB

 

Ang UP Singing Ambassadors ay bumisita noong nakaraang linggo sa lalawigan ng Romblon at matagumpay na nagtanghal sa bayan ng Alcantara at Odiongan.

Ang “Harana para sa Kasimanwa-Romblon” (Lakbay Musika) ay na-organisa sa tulong ng Municipal Tourism Office ng dalawang nabanggit na bayan.

Ang unang pagtatanghal ng UP Singing Ambassadors ay ginanap sa public auditorium sa bayan ng Alcantara at ang ikalawang pagtatanghal nito ay ginanap naman sa covered court ng Odiongan, Romblon.

Ang palabas ay libreng napanood ng mga residente ng Alcantara at Odiongan at dinagsa rin ito ng iba pang manonood mula sa mga karatig bayan.

Labis ang kasiyahan ng mga nakapanood dahil sa magagandang awitin at kundiman na kanilang napakinggan mula sa UP Singing Ambassadors na tila ba dinuduyan at hinihele sila ng malamyos na tinig ng mga mang-aawit na ito.