2-Anyos na bata, nalunod sa Magdiwang

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News
  • Pinterest

Patay matapos malunod sa ilog ang dalawang-taong gulang na bata sa Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon nitong araw ng Linggo.

Ayon sa ipinaabot na impormasyon sa Romblon News Network, hapon ng Linggo naglalaro umano ang batang kinilalang si Prince Frias sa isang duyan malapit sa ilog habang ang kanyang ama naman ay nagbibilang ng mga nakuhang niyog sa kanilang niyugan.

Nagulat umano ang ama ni Prince dahil biglang nawala sa duyan ang kanyang anak hanggang sa mabalitaan niya nalang na may natagpuang palutang-lutang na bata sa unahan nila.

Kasalukuyang naka-burol ang labi ng bata sa Barangay Ipil, ayon sa isang residente ng lugar na nakausap ng Romblon News Network.

Samantala, sinabi ng Magdiwang Municipal Police Station na wala silang natanggap na report na may nangyaring aksidente kahapon sa nasabing Barangay at kanila umanong titingnan ang report at aalamin kung anong totoong nangyari.