Lalaking gumahasa sa 50-anyos na ginang, arestado

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Arestado sa bayan ng Calatrava, Romblon kaninang tanghali ang isang lalaking wanted dahil sa kasong panggagahasa sa isang 50-anyos na ginang noong taong 2016.

Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group - Romblon ang suspek na si Rene Falcutila, residente ng Barangay Talisay, Calatrava, Romblon.

Kinailangan pa ng mga tauhan ng CIDG-Romblon, PIB Romblon, RID MIMAROPA, Calatrava MPS na sumakay ng bangka para lang marating ang Barangay Talisay at madakip ang suspek.

Dinakip ang suspek sa bisa ng isang warrant of arrest na nilabas ng korte noong August 22.

Nakakulong na ngayon ang suspek at hawak ng Criminal Investigation and Detection Group - Romblon at nakatakdang iharap sa korte sa susunod na mga araw.

Walang piyansa ang kaso ni Falcutila.