Lalaki, tiklo dahil umano sa iligal na sugal na Lotteng

Written by Romblon News

Isang lalaki sa bayan ng Alcantara, Romblon ang naaresto ng pulisya nitong hapon ng Linggo, January 28, dahil umano sa pagpapataya ng iligal na sugal na Loteng.

Ayon sa spot report na nakarating sa Romblon News Network, bandang 5:30 umano ng hapon ng magkasa ng anti-illegal gambling operation ang mga tauhan ng Alcantara Municipal Police Station, RID-MIMAROPA, at PIB-Romblon sa Barangay Madalag sa nasabing bayan.

Dito nila umano naaktuhan na nagpapataya ng Loteng ang suspek na kinilala nilang si Philip Lota Gacula, 47-anyos, at residente ng Barangay Poblacion.

Ayon kay Alcantara Municipal Police Station Chief Loveno Galarosa, naaktuhan nilang tumatanggap ng taya si Gacula para sa loteng kaya agad nila itong inaresto.

Samantala, sinabi rin ng pulisya na nakatakas ang di umano'y tumataya kay Gacula.

Ang imbestigador sa kaso ay si PO3 Junar Gabilo.