Lalaki, tinaga sa ulo ng kainuman sa Alcantara

Written by Eugene Mayor | Romblon News

Sa ospital ang diretso ng isang lalaki matapos na tagain ng kanyang lasing na kainuman sa Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon nitong gabi ng Linggo.

Kinilala ang biktima na si Renjay Hilario Seraspi, 19, waiter at residente ng Barangay Camili; habang ang suspek naman ay kinilala na si Gene Olverio Galicha, 39, residente naman ng Barangay San Roque.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station, nasa Tugdan si Seraspi para dumalaw sa kanyang girlfriend na pamangkin sa pinsan ng suspek na si Galicha.

Habang nag-iinuman umano sila, biglang pinuna ng suspek ang pagkatao ng biktima hanggang sila ay magkainitan at magkasagutan. Maya-maya'y biglang kinuha ng suspek ang 18-inches na bolo na nasa terace at sinubukan tagain ang biktima. Nakatakas bahagya ang biktima ngunit na-corner ito at dito na tinamaan sa ulo at forearm.

Agad na napakalma ng mga tao ang suspek habang ang biktima naman ay isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon para gamutin ang sugat.

Ligtas na ngayon ang lagay ni Serespi na nagtamo ng 5.5 cm na haba ng sugat sa likod ng kanyang ulo at 3 cm na haba ng sugat naman sa kanyang left forearm.

Inaresto naman ng Alcantara Municipal Police Station ang suspek at nakatakdang kasuhan ng Frustrated Homicide.