#KwentongNakakatakot: Ang malaking tao sa puno sa Ferrol

Written by Romblon News

Ang #KwentongNakakatakot ng Romblon News Network ay bahagi ng pagdiriwang ng panahon ng mga ghost at horror stories. Ang mga kwento sa baba ay base sa mga totoong nangyari sa mga may akda.


 FILE PHOTO. YahooFILE PHOTO. Yahoo

Taong 2014, nagtatrabaho ako sa isang resort sa Ferrol, Romblon bilang isang disk jockey ng mangyari ang isang nakakatakot ko na karanasan.

Matapos ang aming performance, nagkasundo ang grupo na mag night swimming at mag-inuman dahil maganda ang kabilugan ng buwan at maliwanag sa labas ng resort.

Nang panahong iyon, hindi pa ganun karami ang mga turista sa Ferrol at hindi rin ganung kasikat ang lugar at marami pa mga puno.

Mga ilang oras ang lumipas, nakaramdam ako na parang maiihi ako, kaya naglakad-lakad ako sa baybayin at lumayo sa mga kasama ko para nga umihi. Dahil medyo madilim sa inihian ko, pasimpling kumakanta kanta ako para malibang rin ako.

Matapos kung umihi, paglingon ko sa likod, napansin ko na parang may anino sa likod ko na papalapit sa akin. Malapit ito sa isang malaking puno at habang lumalapit ay nagmimistulang itsurang tao.

Hindi ko siya pinansin at naglakad ako paalis, ngunit napapansin ko sa anino na tila sumusunod ito sa akin. Binilisan ko ang paglakad ko habang ako'y kumakanta hanggang sa makabalik ako sa mga kasama ko.

Muli ako'ng nakipag inuman sa mga kasama ko at makalipas lamang ang ilang minuto, sumakit ng sobra ang tiyan ko na tila may humihila sa bituka ko na kung ano.

Dahil nag-alala na ang mga kasama ko sa nangyari sa akin, nagpasya silang tapusin na ang inuman at night swimming. Ilang metro palang sa resort, tumigil kami sa tapat ng lugar kung saan ako umihi dahil hindi ko na talaga kaya at parang nararamdaman ko na mamatay na ako. Dito na ako sumuka ng sumuka na tila may kinain ako na kung ano.

Na ikwento ko sa kanila matapos kung mag suka kung anong nangyari sa akin noong umihi ako. Agad nila akong dinala sa bahay at nagtawag ng albularyo para patingnan kung anong nangyayari sa akin.

Dumating ang albularyo at dito niya na sinabing may isang nilalang na tinatawag nilang 'kapre' na pinagtitripan ako.

Nawalan ako ng malay habang ako'y ginagamot.

Na ikwento nalang nila sa akin ng magkamalay ako na ginamot ako ng albularyo sa pamamagitan ng isang itlog, at may mga pinagsasabi raw na kung ano ang albularyo habang ako ay walang malay.

Lumipas pa ang ilang araw, muli itong nagparamdam sa akin.

Katatapos ko lang na mag-DJ muli at kakasara lang ng resort namin. Sa isang kwarto na sa resort ako natulog dahil medyo madilim ng panahong yun at kaya nanatili nalang ako sa resort. Dahil malamig sa labas, binuksan ko ang aking bintana para kahit hindi na ako gumamit ng aircon habang natutulog.

Ilang oras pa ang lumipas, bigla nalang ako nagising sa aking pagkakahimbing na pagtulog, tumaas balahibo ko at nanlamig ako dahil nasa harapan ko na ang sinasabing kapre na may trip sa akin. Tinititigan niya ako.

Sa takot ko, halos hindi ko na magalaw ang katawan ko pero pinilit kong pumunta ng pinto para lumabas ng kwarto. Binuksan ko lahat ng ilaw at tiningnan ang mga pintuan kung bukas. Bumalik ako ng kwarto at nakita ko sa labas na naglalakad ang nasabing kapre palayo ng resort.

Kinabukasan, sa kabilang kwarto ako natulog at dito binangungot na ako, napanaginipan kong pinaghahampas ako ng kapre na nagpakita sa akin. Piniit kong igalaw ang kamay at paa ko para magising dahil alam kong panaginip ang nangyayari.

Magmula noon, lagi na ako naglalakad at natutulog ng may kasama sa tuwing gabi. Ito ang dahilan kung bakit hindi na siya nagpaparamdam nitong mga lumipas na taon.