Ang aking kapansanan ay nagbukas sa aking mga mata para makita ko ang aking tunay na kakayahan

Written by Che Y. Formilleza

Crochet for a causeCrochet for a causeIka-pitong taon na ng aking patuloy na paglaban sa panahon ng matinding pagsubok at patuloy na pagkapit sa pag-asa bilang isang paralitiko. Ang patuloy na pagtahak ko sa daang ito na puno ng lubak at putik ay aking ipinipikit na lang ang aking mga mata at iminumulat ko ang aking puso’t isipan sa patuloy na pagtitiwala ng may pananampalataya ng aking buhay sa Poong Maylika.

Ang guhit ng aking tadhana ay matagal ko nang natanggap at ito ay tanggap ko na kaloob ng Diyos sa akin. Sa mga dinanas kong uri ng gamutan at pagsusuri ay wala naman talaga na nakita sa aking sistema na ano mang uri ng karamdaman na maaaring magpahina sa aking kalooban o maging sanhi ng matagal ko nang pagsuko. Ang mahabang panahon ng pagkakahiga at pamumuhay ng mag-isa sa aking kubo ay hindi kaylanman nagdulot sa akin ng matinding kalungkutan o kabiguan para hindi ko pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob Niya sa akin.

Ang kalagayan ko ay malugod ko nang ibinibilang o inihahalintulad sa mga taong may kapansanan at hindi bilang isang taong nakabilanggo sa banig ng karamdaman sa napakatagal na panahon. Tanging mga paa ko lang ang wala pang lakas sa ngayon, pero ang lakas na meron ang aking mga kamay na pinagsama ng aking ispiritwal na lakas at isipan ay isang matibay na sandata para makayanan ko ang lahat ng mabibigat na hamon na kaakibat ng pagsubok na ito. Sa pagdami ng abilidad na naibabahagi ng lakas ng aking mga kamay ay kasabay din pagtuloy na paglakas ng aking pagtitiwala at pananampalataya sa Kanya.

Nakaraang taon lang ng ako’y maging empleyado ng isa sa mga kilalang restawran sa aking mahal na bayan ng Odiongan, ang Laszaji GRILL. Ang may-ari na mag-asawang Fiedacan ay ipinagkatiwala sa akin na maging Bookepper nila at gumawa na rin ng Facebook account na Glay’s Foddie at paghawak nito para sa paggawa ng patalastas ng mga pagkain nila sa restawran. Lubos ang aking pasasalamat sa kanila dahil hindi naging hadlang ang aking kalagayan para hindi nila makita ang lakas at abilidad na kaya ko pang magampanan.

Sa araw ko isinasagawa ang aking trabaho sa pagtipa ng mga resibo at kinagabihan naman ay gumagawa pa ako ng mga bagay na pwedeng pagkakitaan kahit ako ay nakahiga lang. Ako ay natutong maggansilyo sa panunood lamang ng mga tutorial videos mula sa You Tube. Natutunan kong gumawa ng mga lagayan ng cellphone, bracelets at maliit na bag mula sa pag-crochet. Ito ay aking naibebenta sa aking mga kaibigan at mga taong nakakita at nalaman ang aking mga gawang kamay. Malaking tulong din ito bukod pa sa kinikita ko sa Laszaji GRILL sa pantutos ko sa aking mga pangangailangan gaya ng aking diaper at natutulungan ko din ang aking mga magulang sa pagbibigay ng baon ng aking anak sa pagpasok niya sa paaralan. Hindi lang sa pinansyal ako nakakaramdam ng kaginhawaan bagkus ang aking ginagawa rin ay nakakagaan din ng pakiramdam dahil ito ay mabisang pangtanggal din ng kabagutan.

Napakasarap sa pakiramdam bilang isang tao na may nagagawa ka para sa iyong sarili at hindi isang pabigat sa iyong pamilya at sa lipunan na iyong ginagalawan. Oo, laging dumarating ang tulong pero mas maganda pa rin na gumagawa ka ng mga paraan para matulungan mo ang iyong sarili at hindi laging umaasa sa iba ang iyong pag-asenso sa buhay. Na sa kabila ng mga kakulangan na meron ka ay maaari ka pa ring gumawa ng mga bagay na makakaramdam ka na ang iyong pagkatao ay kumpleto pa at marami ka pang dapat ipagpasalamat sa bawat araw na ikaw ay humihinga. Ang pagsusulat ay isa sa masasabi kong kalakasan. Dito ko naipaparating ang gustong sabihin ng aking puso at gustong iparating ng aking isipan. Patuloy kong pinapasalamatan at pinapahalagan ang mga taong naniniwala sa aking kakayahan.

Ang modernong uri ng pahayagang ito ng Romblon News Network at sa lahat ng bumubuo nito na nagbigay sa akin ng malaking oportunidad na maibahagi ko ang aking buhay sa panulat kong ito ay isa mga biyaya na ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Sa pamamagitan ng komunikasyon na naibabahagi ko dito ay mas lumakas ang aking loob at tumibay ang aking pagkatao. Mula sa mga taong naabot ko ng aking kwento at itinuring akong inspirasyon ay sadyang nakakataba ng puso at mas nakakalakas ng ispiritwal kong pagkatao. Mas dumami ang nakakilala sa akin at nadagdagan ang aking mga kaibigan. Tunay ngang malalaman mo ang kahalagahan ng buhay sa oras ng mga pagsubok. Dito mo mas mauunawaan na ang lahat ng nangyayari sa atin ay may kadahilanan ang Diyos. Dahil ang Kanyang mga kaparaanan ay kahanga-hanga. Na ang lahat ng nangyayari sa atin kaaya-aya o hindi man ay lagi nating ipagkatiwala sa Kanya. Patunay sa isa mga paborito kong kasulatan sa Bibliya, “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punong-puno ng pag-asa” - JEREMIAS 29:11.

Hindi lahat ng bagay o pangyayari ay sakop ng ating isipan dahil tanging ang Diyos lang nakakaalam ng lahat ng ito. Ano man ang mga problema at pagsubok na ating kinakaharap ay hindi dapat maging dahilan para magalit tayo sa Kanya o ikahina n gating pag-asang mabuhya. Lagi nating isangguni sa Kanya ang lahat sa pamamagitan ng panalangin dahil bago pa man nating hingiin ito ay Kanya ng nababatid ang ating mga pangangailangan. Kung minsan man ang mga kasagutan sa ating panalangin ay hindi naibibigay agad o wala pang kasagutan pero ito ay dapat lang na magpatibay sa ating pananampalataya at tayo ay mas maging mapagpasensiya sa paghihintay.

Magpasalamat tayo lagi sa Kanya at mga bagay na meron tayo. Imulat natin ang ating mga mata, puso at isipan sa bawat biyaya na ipinagkakaloob Niya sa atin sa araw-araw. Ang pagkain sa hapag, ang pagmamahal nng ating pamilya, ang ating mga kaibigan na laging nandiyan at hindi tayo iniiwan at lakas na meron tayo. Dahil habang may biyaya tayo ng buhay mula sa Diyos ay isang matibay na dahilan na may pag-asa sa bawat umagang dumarating. Binigyan tayo ng mga mata para makita natin ang bawat milagro na nangyayari sa ating paligid hindi man ito malaki para ating maramdamaman agad pero kung susuriin natin na sa kaliit-liitang mga pangyayari sa ating buhay ay may malaking naidudulot na bagay na makakapagpabago sa ating kalagayan.

Ang isang matibay kong pinanghahawakan at masasabi kong sandata ko ay ang aking anak. Nakaukit na sa aking puso’t isipan ang mga salitang minsan ay kanyang nabitawan habang nakakatitig sa akin…”Ma! Masaya ako at nabubuhay ka pa”. Ito ay laging nagdudulot sa akin ng matinding kirot sa aking puso hindi ng sakit kundi ng matinding kasiyahan at pasasalamat. Ito ang aking tadhana, at ito ang aking misyon. Hindi ako kaylanman dapat panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa. Sa pamamagitan ng aking mga panulat ay maging silbing paa ko para marating ko ang bawat tahanan ng mga taong may ganitong sitwasyon, mga taong may kapansanan, mga taong nakabilanggo sa banig ng karamdaman at mga taong iginupo na ng panahon sa katandaan sa higaan. Mas nababatid ko bawat hinaing ng kanilang puso at malakas na isinisigaw ng kanilang isipan.

Ang matinding paglaban sa kalungkutan at mahigpit na pagkapit sa pag-asa na darating ang araw sa paglasap sa minimithing ginhawa. Ang matinding laban sa aspeto ng emosyonal na bahagi kaakibat ng ispiritwal na laban ay masidihi at marubdob sa uri ng bigat ng pagsubok na na dala nito. Na sana sa mallit na paraan itong ito ay maibahagi ko ang lakas na meron ako sa kanila. Na maituring ako na isa sa kanilang mga inspirasyon para sa patuloy na lumaban at hindi sumuko sa lahat ng hamon sa ating buhay. Sa pagmulat sa ating mga mata para makita na bawat tao ano man ang ating kalagayan sa buhay may mga abilidad tayo na pwede nating gawing kalakasan para panlaban sa ating mga kahinaan.

“Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa kaloob sa akin ni Cristo”- FILIPOS 4:13. Patuloy ko pong ipinakakatiwala ang lahat sa ating Diyos at ang aking kalakasan ay sa Kanya lang magmumula lahat. Habang may biyaya ng buhay ay may malaking biyaya ng pag-asa. Maraming salamat po sa pagbasa muli ng tunay na kwento ng aking buhay. Mapagpalang araw po sa ating lahat!